ni Lolet Abania | September 16, 2020
Ganap nang bagyo na pinangalanang Tropical Depression Leon ang namataan sa kanluran hilagang kanluran ng Coron, Palawan na may layong 225 kilometers (12.8ﹾ N, 118.3ﹾ E), taglay ang lakas na hangin na umaabot sa 65 km/hr malapit sa gitna at may pagbuso ng hangin na 80 km/hr.
Kumikilos ito patungong kanluran hilagang kanluran sa bilis na 10km/hr, ayon sa PAG-ASA. Itinaas kagabi ang tropical cyclone wind signal (TCWS) no. 1 sa Calamian Islands sa Palawan subali’t sa kasalukuyan inalis na ito at wala nang nakataas na TCWS sa buong bahagi ng bansa.
Gayunman, inaasahan bukas, Huwebes, bandang alas-2 ng madaling-araw, nasa layong 440 kilometers hilaga hilagang-silangan ng Kalayaan Islands, Palawan ang Bagyong Leon na posibleng lumabas na ng Pilipinas at patungong Vietnam.
Bagaman wala nang nakataas na tropical cyclone signal sa bansa, makararanas pa rin ng paminsan-minsang bugso ng hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Palawan (kasama ang Kalayaan, Calamian at Cuyo Islands), Mindoro Provinces, Romblon at Western Visayas. Magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Aurora, Rizal, Palawan (kasama ang Kalayaan, Calamian at Cuyo Islands), Mindoro Provinces, Romblon, Western Visayas at Negros Oriental dahil sa epekto ito ng Bagyong Leon na dinagdagan pa ng Habagat.
Gayundin, mahina hanggang sa katamtaman at minsang malalakas na pag-ulan ang inaasahan sa Bicol Region, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Metro Manila, Isabela, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at nalalabing bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Visayas.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa posibleng pagbaha at landslide sa mga lugar na tatamaan ng malalakas na pag-ulan dahil sa Bagyong Leon at Habagat.
Patuloy din ang pagmo-monitor ng ahensiya ukol sa lagay ng ating panahon.