ni Lolet Abania | October 25, 2020
Suspendido ang serbisyo ng lahat ng mga sasakyang pandagat sa Calabarzon dahil sa panganib na dala ng Tropical Storm Quinta na may international name na Molave, kung saan nagtala rin ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) No. 2 sa 12 lugar sa Bicol region.
“Kanselado ang lahat ng biyaheng pandagat sa mga pantalan sa rehiyon dala ng pagtataas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa mga lalawigan ng CALABARZON dulot ng Bagyong #QuintaPH,” pahayag ng Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) ngayong Linggo.
Nag-abiso na rin ang Calabarzon RDRRMC sa mga biyahero na i-postpone ang lahat ng kanilang nakaiskedyul na trips para maiwasan na sila ay ma-stranded sa mga pantalan.
“Pinapayuhan ang mga maglalakbay na pansamantalang itigil ang pagbiyahe upang maiwasan ang pagdami ng stranded sa mga pantalan. Manatiling nakatutok sa mga ulat- panahon,” dagdag na sabi ng Calabarzon RDRRMC.
Ayon sa Calabarzon RDRRMC, umabot sa 532 pamilya o 1,789 indibidwal sa Guinobatan, Albay at Canaman, Camarines Sur ang dinala na sa evacuation center, subali’t may kabuuang 662 katao pa ang stranded sa rehiyon.
Samantala, ayon sa report ng Philippine Ports Authority-Batangas kaninang ala-una nang madaling-araw, may 183 indibidwal ang stranded sa port ng Batangas.
Gayundin, may 60 rolling cargoes ang nananatili sa nasabing pantalan.
Sa MIMAROPA, ayon sa RDRRMC, isinuspinde na ang mga shipping vessel trips sa mga lugar na nasa ilalim ng TCWS maliban sa Palawan.