ni Thea Janica Teh | October 25, 2020
Umabot sa 8,000 katao sa Bicol Region ang puwersahang inilikas at dinala sa evacuation center ngayong Linggo dahil sa bagyong Quinta, ayon sa report ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Operation Center (RDRRMC).
Sa datos ng RDRRMC, may kabuuang 1,461 pamilya at 5,518 indibidwal ang inilikas sa evacuation center bandang alas-5 ng hapon ngayong Linggo.
Lumakas pa ang bagyong Quinta matapos itong mag-landfall sa Tabaco City sa Albay kaninang 6:10 ng gabi.
Ayon sa huling inilabas na report ng PAGASA, nakita ang bagyong Quinta sa 130 kilometer per hour (kph) at may bugso ng hangin na 160 kph.
Inaasahan na bukas, Lunes nang hapon, ay papunta na sa southern Luzon ang bagyong Quinta at liliko ito papuntang west-northwestward ng West Philippine Sea.