ni Thea Janica Teh | November 1, 2020
Umabot na sa 7 katao ang naitalang namatay sa Albay at 390,000 indibidwal ang inilikas sa Bicol Region dahil sa Bagyong Rolly.
Sa inilabas na datos ng Department of National Defense, dalawa sa namatay ay nagmula sa Malinao at tig-iisa naman sa munisipalidad ng Daraga, Guinobatan, Oas, Polangui at Tabaco City.
Umabot naman sa 107,831 pamilya o 390,298 indibidwal ang inilikas sa kanilang tahanan. Nasa evacuation center na ang 344,455 habang ang 49,682 naman ay nasa labas pa ng mga center.
Bukod pa rito, 1,013 pasahero sa Bicol seaport ang na-stranded kasama ang 426 truck, 32 light vehicle, 1 bus at 1 sea vessel.
Samantala, limang kalsada naman ang pansamantalang hindi madaraanan dahil sa baha kabilang ang DM Jct Legazpi Sto. Domingo-Tabaco-Tiwi Cam Sur Bdry Road (Lidong Section); Basud Bridge; DM Jct Legazpi-Sto.Domingo-Tabaco-Tiwi Bdry Road; Comun-Inarado-Penafrancia Bdry Road at Daang Maharlika (Polangui Section).