ni Thea Janica Teh | December 28, 2020
Wala nang inaasahang bagyong papasok sa Pilipinas hanggang matapos ang taong 2020, ayon sa PAGASA ngayong Lunes. Ngunit, posible umanong magkaroon ng bugso ng amihan sa Miyerkules na makaaapekto sa northern Luzon, bahagi ni PAGASA weather forecaster Chris Perez.
Ngayong Lunes, may 2 low pressure area (LPA) ang magdadala ng pag-ulan sa ilang parte ng Luzon. Ang isang LPA ay namataan sa 90 kilometers east ng Baler, Aurora habang ang isa naman ay namataan sa 235 kilometers northwest ng Puerto Princesa City, Palawan.
Ang LPA na natagpuan sa Palawan ay inaasahang makalalabas ng bansa ngayong Lunes. Dagdag ng PAGASA, magdadala rin ng pag-ulan sa Cagayan Valley at Aurora ang tail end ng LPA.
Makararanas din ng kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga at Davao Region dahil sa easterlies o warm wind na nanggagaling sa Pacific.
Samantala, umabot sa 22 bagyo ang tumama sa Pilipinas ngayong taon kabilang ang bagyong Vicky kung saan tumama sa Visayas at Mindanao ilang araw bago mag-Pasko na nakapatay ng 8 katao.