ni Mylene Alfonso @News | September 1, 2023
Nasa loob na ng Philippine area of responsibility ang Bagyong Hanna, na nagpapalakas sa hanging habagat kasama ng Super Typhoon Saola (dating 'Goring') at Tropical Storm Kirogi na kapwa nasa labas ng PAR.
Bandang alas-4 ng madaling-araw nang mamataan ang sentro ng bagyo 1,225 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA kahapon.
Tinatayang mas maraming ulan ang babagsak sa matataas at mabubundok na lugar. Sa ilalim nito, malaki ang tiyansang makapagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.
Ang pinalakas na habagat ay magdadala ng mahanging panahon sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at hilagang bahagi ng Eastern Visayas.
Samantala, malaking bahagi ng Maynila ang binaha dahil sa matinding pag-ulan dulot ng hanging habagat na pinalala ng Bagyong Goring.
Kaugnay nito, sinuspinde ng Palasyo ang klase sa lahat ng antas maging ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila, nitong Huwebes ng hapon.