ni Mary Gutierrez Almirañez | April 13, 2021
Inaasahang lalakas pa ang namumuong tropical depression sa susunod na 48 oras at ito’y magiging tropical storm na posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) pagdating ng Biyernes nang gabi o Sabado nang umaga at makakategorya bilang isang severe tropical storm, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, Abril 13.
Batay sa PAGASA weather forecaster na si Ariel Rojas, “Sa kasalukuyan po, nakikita natin, mababa ang tsansa na ito ay posibleng tumama o mag-landfall sa kalupaan. At posibleng mag-recurve o lumiko pabalik sa Dagat Pasipiko. Pagpasok ng PAR, mabibigyan ito ng pangalang Bagyong Bising.”
Sa ngayon ay nakararanas ang Metro Manila ng maulap na kalangitan at posible ring umulan pagsapit nang gabi. Samantala, asahan naman ang maalinsangan na panahon sa tanghali.
“Aabot hanggang 33 degree Celsius ang maximum temperature ngayong araw sa Metro Manila at sa Davao City. Sa Cebu naman, 32 degree celsius. At sa Baguio City, 15 to 24 degree celsius. Malaya rin pong makakapaglayag ang ating mga kababayan at mangingisda,” sabi pa sa ulat.