ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 11, 2024
Hanggang sa huling gabi ng lamay ni Mother Lily Monteverde last Friday ay pinatunayan niya na talagang well-loved siya ng buong industriya dahil sa pagdagsa ng mga taong nakiramay, hindi lang mula sa showbiz industry kundi maging sa pulitika man.
Namataan namin doon sina Herbert Bautista, mag-asawang Eddie Gutierrez and Annabelle Rama, Roderick Paulate, Maricel Soriano, Sheryl Cruz, Sen. Robin Padilla, Direk Joel Lamangan, Direk Erik Matti, Claudine Barretto, Ara Mina, Assunta de Rossi, Sen. Grace Poe, Ice Seguerra, Yul Servo, Charo Santos-Concio at marami pang iba.
Sa eulogy ay binigyan ng standing ovation ng mga dumalo ang Regal matriarch sa pangunguna ni Direk Joel.
“Dapat siyang maging National Artist, let us give her a standing ovation,” ani Direk Joel.
Isa-isang nagsalita ang pamilya at mga kaibigan ni Mother Lily at sinariwa ang mga nakakatuwa at magagandang alaala ng producer.
“Her influence extended beyond her production empire, she also gave lessons of love -- patience, professionalism, kindness, empathy, and courage,” sey ni Sheryl.
“Totoong nanay po talaga s’ya. Si Mother, disciplinarian, prangka, pero number one cheerleader mo. Sa lahat ng ups and downs ng buhay ko, hindi nawala si Mother. Hindi sapat ang pasasalamat para masuklian lahat,” sabi naman ni Maricel.
Sabi naman ni Roderick, “Malaki ang utang na loob ko kay Mother. Hindi lang s’ya nag-invest ng pelikula sa ‘kin. Nag-invest s’ya ng puso bilang ina.”
Ang hindi naman malilimutan ni Sen. Robin ay nang tulungan siya ni Mother noong maaksidente siya at nasunog ang kanyang katawan.
“Naging napakaganda po ng relationship namin lalo nu’ng nasunog ako. Nasunog po kasi ako, naaksidente ako, dito lang ako sa Cardinal Santos (hospital).
“Araw-araw akong pinupuntahan ni Mother. Dinadalhan n’ya ako ng sharks fin soup. Sabi n’ya, ‘Maganda ‘yan sa balat mo.’ Tapos, dinadalhan niya ako ng quail egg soup. Araw-araw po ‘yun, isang buwan po ako diyan sa Cardinal Santos. Mas maraming beses n’ya akong dinalaw at lagi n’ya akong binibigyan ng siyempre, nand’yan ‘yung tulong pambayad sa ospital,” pag-alala ni Robin.
“Hanggang nu’ng nasa kulungan ako, pinupuntahan ako ni Mother. Hindi n’ya ako artista, ha, ‘di katulad ninyo, artista n’ya kayo. Pero hanggang sa Bilibid, pinuntahan ako ni Mother, hanggang sa makalabas ako, binigyan ako ng dinner ni Mother. Ganu’n po. Unang abroad namin, unang pang-enroll ng anak ko, ibinigay ni Mother Lily,” dagdag pa ni Robin.
Ayon naman kay Tita Annabelle, ang relasyon nila noong una ng Regal Films producer ay away-bati.
“Hindi ako Regal baby, mga anak ko lang. Lagi kami nag-aaway ni Mother sa billing, kontrata, tseke at promo. Lagi kami nag-aaway, alam ng buong showbiz 'yan. Away-bati kasi ‘di ko maintindihan ang ugali n’ya, ‘di n’ya maintindihan ugali ko,” sey ng Gutierrez matriarch.
“Bandang huli, nagkasundo kaming dalawa, nakuha na namin ang ugali ng isa’t isa, eh. Hanggang nagmahalan kami dalawa, lagi kami nagkikita, hanggang pandemic, lagi kami nagkikita. Best friend na kami, wala na kami pag-uusapan about pera o trabaho, basta lagi kaming magkasama,” kuwento ni Tita Annabelle.
Pero kahit may sakit na raw si Mother these past few months at hindi na sila nagkikita ay alam daw nito na naghiwalay na ang kanyang anak na si Richard at misis nitong si Sarah Lahbati.
Tinanong daw siya nito kung bakit pumayag siyang maghiwalay ang mag-asawa.
“Wala tayong magawa, Mother, kasi ‘yung isa, gusto namang iba siguro. Ang isa naman, ayaw naman n’ya ‘yung… Ah, basta, hindi sila magkasundo,” ang sabi raw niya kay Mother tungkol sa hiwalayan nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez.
Kahapon ay inihatid na sa huling hantungan si Mother Lily Monteverde sa The Heritage Park, Taguig.