ni VA @Sports | March 6, 2024
Rumatsada sa mga huling 75 metrong patawid ng finish line si Esteve Hora Jr. ng Standard Insurance upang pangibabawan ang men’s elite race ng Go For Gold Criterium Race Series 1 noong Linggo sa Sacobia Bridge sa Clark, Pampanga. Nagtala si Hora ng tiyempong 53 minuto at 30.97 segundo para tanghaling kampeon ng karera. Inungusan nya sina Mervin Corpuz ng Excellent Noodles Pro Team (53:31.00) at Go For Gold Cycling Team rider Aidan James Mendoza (53:31.10) na tumapos na ikalawa at ikatlong ayon sa pagkakasunod.“Nagkaroon ako ng pagkakataon kaya sinamantala ko na.
Masaya ako kasi naipakita ko kung ano ang kaya ko," pahayag ng tubong San Manuel, Pangasinan na si Hora. Tumapos namang pang-apat ang beteranong si Ronald Oranza ng Standard Insurance na nagtala ng identical clocking kasama nina Mendoza.Nilahukan ng 400 mga siklista na nahati sa 10 magkakaibang kategorya, layunin ng kick-off leg ng 3-leg race series na ibalik ang sigla ng sport. “Quality races have significantly decreased here in the Philippines. We want to bring them back starting with this criterium series,” ayon kay Go For Gold founder Jeremy Go.
Nangibabaw naman sa women’s junior at open categories ang sprinter ng Team Bikexzone/Champbullies na si Kim Bonilla makaraang talunin ang kanyang beteranang teammate na si Jermyn Prado sa open. Naorasan si Bonilla sa open ng 49:06.07 kasunod si Prado (49:24.62) at Althea Campana (50:28.12).
Nagtala naman siya ng 40:24.48 sa junior race kung saan tinalo niya sina Maria Michaela Mandel (41:06.54) at Roselle Suarez (41:06.64).
Nanguna naman ang mga riders ng Go For Gold sa men’s junior makaraang nagtala ng 1-2 finish nina Marvic Mandac (36:38.52) at Mac BJ Arellano (36:42.67).
Ang susunod na yugto ng karera ay idaraos sa Cebu sa Hulyo para sa hangad ng Go For Gold na tumuklas ng mga bagong cycling talents sa Visayas region habang ang third leg ay gaganapin sa Mindanao sa Setyembre o Oktubre.