ni VA @Sports | July 1, 2024
Nabigo sa 2 puntos lamang ang Gilas Pilipinas laban sa Poland sa kanilang friendly game, 82-80 kahapon ng madaling araw para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Umalagwa agad sa 9 puntos ang Polish para sa 66-57 na kalamangan.
Pag-angat sa 76-62 ng iskor ay nakabawi si Dwight Ramos sa 82-77 game na pagdikit sa nalalabing 1:41 minuto.
May tsansa pa sana si Chris Newsome sa freethrow pero kinapos pa rin. Sina Michal Sokolowski at Jerem Sochan ang bumida sa Poland.
Sa kabila nito, tatangkain ng Gilas Pilipinas na makasungkit ng tiket para sa men's basketball tournament ng 2024 Paris Olympics sa pagsabak nila sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na magsisimula bukas- Hulyo 2 hanggang 7 sa bansang Latvia.
Nauna nang idineklara ni national team head coach Tim Cone na 11 manlalaro lamang ang kanilang ilalaban matapos mawala sa roster nina Scottie Thompson, AJ Edu at Jamie Malonzo dahil sa injury. "We're going 11-strong," ani Cone.
Muling pangungunahan ni naturalized player Justin Brownlee ang gagawing kampanya ng Nationals kung saan nakatakda nilang makatunggali ang mga koponan ng Georgia at Latvia sa group stage ng qualifiers.
Kasama ni Brownlee ang core ng team na binubuo nina PBA 7-time MVP June Mar Fajardo, Dwight Ramos, Kai Sotto, CJ Perez, Chris Newsome, Kevin Quiambao, Calvin Oftana at Carl Tamayo.Kabilang din sa maglalaro sa OQT ang beteranong si Japeth Aguilar at Mason Amos.
Unang makakasagupa ng Gilas ang koponan ng Latvia sa Hulyo 4 ganap na alas-12 ng hating gabi, oras dito sa Pilipinas kasunod ang Georgia ganap na alas- 8:30 ng gabi matapos lamang ang halos walong oras na pahinga ayon sa pagkakasunod.