ni VA @Sports | August 23, 2024
Inanunsiyo ni business tycoon Manuel Pangilinan kahapon na ginawaran niya ng P10-million cash reward si Filipino gymnast Carlos Yulo sa pagkakapanalo ng 2 gold medals sa nagdaang 2024 Paris Olympics.
Makatatanggap naman ang coaching team ni Yulo ng P5-M mula kay Pangilinan. Sa anunsiyo niya sa X (dating Twitter) account, sinabi ni Pangilinan na bibiyayaan din niya ng tig-P2-M reward sina boxers Aira Villegas at Nesthy Petecio na nakapag-uwi ng Olympic bronze medals, plus P2 million sa kanilang coaches. "Like always, they can count on our continued support until LA 2028. Mabuhay ang atletang Pinoy! (Long live Filipino athletes!)" saad ni Pangilinan sa post.
Samantala, tumapos na katabla sa ikatlong puwesto nina Sondre Guttormsen ng Norway at Kurtis Marschall ng Australia ang Filipino pole vaulter na si Ernest John 'EJ' Obiena matapos magtala ng 5.82 meters sa Lausanne leg ng Diamond League na idinaos sa Stade Olympique de la Pontaise sa Switzerland kahapon ng madaling araw (Manila time).
Nakatig-isang attempt lamang ang tatlong pole vaulters sa nasabing taas ng baras upang umabot ng podium at makapag-uwi ng premyong $3,500 bukod pa sa qualification points para sa finals na gaganapin sa Setyembre. Ang panalo ay nagsilbing pagbawi ni Obiena mula sa naging fourth place finish niya noong nakaraang Paris Olympics.
Nagwagi naman ng gold at leg winner prize na $10,000 sa nasabing kompetisyon si 2-time Olympic gold medalist Armand Duplantis ng Sweden na nagtala ng 6.15 meters habang pumangalawa sa kanya si Sam Kendricks ng US na nagposte ng 5.92 meters para maiuwi ang silver medal at premyong $6,000.