ni VA / Clyde Mariano @Sports | February 25, 2024
Nagwagi ng kanyang ikalawang gold medal ngayong taon habang naghahanda sa muli nyang pagsabak sa darating na Paris Olympics ang Filipino pole vaulter na si Edward Joseph "EJ" Obiena makaraang mangibabaw sa Istaf Indoor tournament sa Berlin, Germany noong Biyernes, araw ng Sabado dito sa Pilipinas.
Nagtala si Obiena sa kanyang pagkapanalo ng bagong Asian indoor record matapos niyang matalon ang baras na itinaas ng 5.93 meters.
Binura nito ang dating record na 5.60 meters na itinala ni Leonid Andreev ng Uzbekistan noong Nobyembre 2009 sa Hanoi, Vietnam.
Pumangalawa kay Obiena at nagkamit ng silver medal si Tray Oates ng Estados Unidos na gaya nya ay ma-clear din ang taas na 5.93 meters ngunit natalo ito ng Pinoy sa count back.
Tumapos namang pangatlo si Robert Sobera ng Poland na nakapagtala ng 5.66 meters.
Noong nakaraang taong Istaf Indoor Tournament, pumangalawa lamang si Obiena sa world at Olympics champion na si Armand Duplantis na hindi naman lumahok sa torneo ngayong taon.
Ang susunod na torneong lalahukan ni Obiena ay ang 19th World Indoor Athletics Championship na gaganapin sa Glasgow, Scotland, United Kingdom sa Marso 1-3, 2024.
Samantala, ikinalungkot ng mga atleta kasama sina Southeast Asian Games, Asian Games at 7th Thailand Jiu Jitsu gold medalists Annie Ramirez at Margarita Ochoa dahil nasayang ang kanilang paghahanda at kailangan pa muling maghintay sila ng 11 buwan dahil muli naman nakansela ang 6th Asian Indoor and Mixed Martial Arts Games.
Nakatakda sanang gawin ang nasabing pan continental competition na inorganisa ng Olympic Council of Asia mula Peb. 24 hanggang Marso 6 pero iniurong sa Nob. 21-30 sa Bangkok at Chonburi province sa Thailand.
Tatlong beses nakansela, dalawa dahil sa global pandemic at sa political uncertainty sa Thailand at pagpapalit ng gobyerno.