ni VA @Sports | March 1, 2024
Pamumunuan nina Tokyo Olympics silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio ang 10- kataong PH team sa tangkang pagsungkit ng Paris Olympics berths sa unang World Olympic Qualifying Tournament sa Sabado, (Linggo sa Pilipinas) sa Busto Arsizio, Italy.Ayon kay national coach Ronald Chavez kailangang ang mga miyembro ng koponan ay magwagi ng medalya kahit bronze medal upang magkamit ng ticket sa Paris Games sa kompetisyon na idaraos sa Maria Piantanida Sports Palace E-Work Arena.
Kabilang ang Pinoy boxers sa 632 na kinabibilangan ng 399 na kalalakihan at 233 kababaihan mula sa iba't-ibang panig ng mundo na mag-aagawan sa nakatayang 28 slots sa men’s division at 21 sa women’s side para sa quadrennial meet sa Hulyo 26 - Agosto 11.
Ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines head coach Pat Gaspi, nakahanda ang national boxers sa laban. “Everything’s on track, everything is in place,” ani Gaspi. “Coach Ronald says they’re 90 to 100 percent ready in conditioning and skills.”
Ang iba pang kasamang sasabak nina Paalam at Petecio ay sina SEA Games champion Rogen Ladon (flyweight), Mark Ashly Fajardo (light welterweight), Ronald Chavez Jr. (super lightweight) at John Marvin (heavyweight) sa men’s division at sina Aira Villegas (flyweight), Claudine Veloso (bantamweight), Risa Pasuit (lightweight) at Hergie Bacyadan (middleweight) sa women’s.
Sa ngayon ay tanging si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial pa lang ang Filipino boxer na qualified sa Paris Olympics sa bisa ng silver medal finish sa light heavyweight division noong Hangzhou Asian Games. Sa Spain nagwagi sina Petecio, Ladon, Villegas at Bacyadan ng gold medals sa nilahukan nilang Boxam Elite Tournament sa La Nucia, Alicante, noong Peb. 4.
Samantala, ang ikalawa at huling World Olympic Qualifier ay idaraos sa Bangkok, Thailand sa Mayo 23 -Hunyo 3.