ni V. Reyes | March 5, 2023

Suspendido ng 90 araw ang lisensya sa pagmamaneho ng delivery rider na may angkas na pinaniniwalaang bata ngunit nasa loob ng insulated bag na nagsisilbing delivery box.
Kaugnay nito’y nagpalabas na rin ng show cause order ang Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) upang paharapin at imbestigahan ang rider hinggil sa insidente sa Marso 6, Lunes, alas-2 ng hapon.
Ayon kay LTO-IID officer-in-charge Renan Melitante, pinagsusumite nito ang rider ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong administratibo dahil sa posibleng paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10666 (Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015), at Section A, Title I ng Joint Administrative Order No. 2014-01 (Driving with
an Inappropriate Driver’s License Classification).
Natuklasan din ng IID na ang lisensyang gamit ng nasabing drayber ay non-professional gayung dapat ay professional driver’s license bilang delivery rider.
Pinagpapaliwanag ang rider kung bakit hindi dapat masuspinde o bawiin ang kanyang lisensya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Section 27(a) ng R. A. 4136.
Ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng nasabing drayber ay nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan nito upang marinig ang kanyang panig bukod pa sa posibleng kaharaping parusa sa ilalim ng batas.
“Nauunawaan natin ang pangangailangan na kumita pero hindi dapat makalimutan na mas mahalagang ikonsidera ang kaligtasan at disiplina sa kalsada lalo na kung ang maaaring manganib ay buhay ng isang inosenteng bata,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.