top of page
Search

ni V. Reyes | May 9, 2023




Tumaas pa ang panganib na sumabog ang Bulkang Mayon kaya’t inilagay na ito ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3.

Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, tumindi pa ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon makaraang itaas ang Alert Level 2 noong Lunes.

Ang Alert Level 3 ng Mayon Volcano ay nangangahulugan na nagpapakita ng senyales ng magmatic eruption, mataas na posibilidad ng pagdaloy ng lava at pyroclastic density currents na nakaaapekto sa itaas at gitnang bahagi ng dalisdis ng bulkan, at ang posibleng pagsabog sa mga susunod na araw o linggo.

Kasabay nito, inirerekomenda na rin ng PHIVOLCS ang paglilikas sa mga residenteng nasasakop ng six-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at pag-iingat o pananatiling alerto sa posibleng pagdaloy ng lahar at mga mapanganib na pagsabog.

Maaari rin umanong magkaroon ng ashfall sa katimugang bahagi ng Mayon, batay sa ihip ng hangin.


Pinagbabawalan muna ang mga piloto ng eroplano na dumaan malapit sa bunganga at paligid ng Bulkang Mayon bunsod ng panganib ng pagbuga ng abo at pagsabog.


Una nang naobserbahan ng PHIVOLCS kahapon ang tatlong pyroclastic density currents events sa mga kanal ng Bonga at Basud na tumagal ng apat hanggang limang minute.


 
 

ni V. Reyes | May 9, 2023




Todas ang dalawang paslit habang kritikal ang isa pa makaraang pagsasaksakin ng kanilang amain habang natutulog sa kanilang bahay sa Bgy. San Jose, Caraga, Davao Oriental, Miyerkules ng madaling-araw.


Batay sa paunang ulat ng pulisya, may edad na sampu, pito at lima ang mga biktima.


Ayon kay Police Maj. Marcille Manzano, gumamit umano ang suspek ng kutsilyo nang atakihin ang mga bata sa gitna ng kanilang pagtulog.


Agad na namatay sa pananaksak ang 10-taong gulang na biktima habang sa ospital na pumanaw ang limang taong biktima. Patuloy pang inoobserbahan ang pitong taong gulang na biktima na nasa kritikal na kondisyon.


Matapos ang krimen ay nagsaksak din umano ng amain at ngayo’y naka-hospital arrest.


Sinasabing nasa labas ng kanilang bahay ang ina ng mga bata nang mangyari ang pananaksak.


Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang anggulong selos sa nangyaring krimen.


 
 

ni V. Reyes | May 14, 2023




Magtataas ng tinatayang mahigit piso kada litro ang presyo ng diesel at kerosene sa mga susunod na araw.


Ito ang pagtataya ng mga eksperto sa industriya ng langis kasunod na rin ng pagsipa ng halaga ng imported na petrolyo.


Nabatid na posibleng umabot ng P1.20 hanggang P1.50 kada litro ang itaas ng diesel habang ang kerosene ay nasa P1.10 hanggang P1.40 kada litro.


Samantala, maaaring madagdagan ng 20 sentimo hanggang 50 sentimo ang bawat litro ng gasolina.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page