top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-30 Araw ng Abril, 2024



Kuwentong Pag-Ibig


“Isla Zamora?” Gilalas na tanong ni Nhel. 


Kahit kailan, hindi siya nagkaroon ng Isla na may pangalang Zamora. 

Oo nga’t Zamora ang kanyang last name, pero hindi niya iyon gagamitin kung bibili siya ng property. Mas gugustuhin pa niyang gamitin ang kanyang pangalan na Nhel at kanyang asawa na si Via. Hindi tuloy niya mapigilan ang mapangiti nang pumasok sa kanyang isipan ang kanyang pinakamamahal. 


“Mayroon pala kayong Isla?”


“Hindi akin ‘yan.”


“Puwede bang lagyan ng apelyido ang Isla na hindi mo naman pag-aari?” 


“Nakikita mo ba riyan ang asawa ko?”


“May kasama siyang isang lalaki,” wika nito. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Parang gusto niyang magalit na kasama ni Via si Jake, pero may tiwala siya sa kanyang asawa. Alam niyang may dahilan kung bakit magkasama ito ngayon, ngunit nakakasiguro siya na hindi siya kayang pagtaksilan ng kanyang misis. Mahal siya ni Via, pero bakit nga talaga ito umalis? 


“Ano hong gagawin ko rito?” Kunwa'y tanong nito. 

Kumunot ang noo niya dahil parang handa nitong ipag-utos na saktan si Jake. Well, gusto niyang saktan si Jake, pero mas gugustuhin pa rin niyang siya ang mananakit dito. 


“Bantayan mo ang asawa ko.”


“Paano kapag pumasok sila sa kuwarto?”


Hindi niya na napigilan ang kanyang sarili na mapamura. Alam na alam niya ang gusto nitong sabihin, kaya ipinaramdam niya rito na hindi niya nagustuhan ang sinabi nito.


Kung kaharap lang niya ang atribidong tauhan, paniguradong nasaktan niya na rin ito. 


“Sabihin mo ang eksaktong lokasyon at pupuntahan ko riyan ngayon.”


Dapat galit ang kanyang maramdaman, ngunit mas namamayani sa kanyang puso ang paka-miss sa kanyang asawa. Ang tangi kasing nais niya ay makita niya at mayakap ang kanyang pinakamamahal. 


Nasasabik din kaya siyang makita at mayakap ni Via?


Itutuloy…


 
 

ni Twincle Esquierdo | December 13, 2020




Naglaan ng P620 milyon ang Kongreso para sa government’s cancer control program, ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco.


Susuportahan nito ang pagpapatupad ng National Integrated Cancer Control (NICC) Act of 2019 at mga gastusin sa cancer prevention, treatment at mga gamot.


Ayon sa tala ng Department of Health, (DOH) sa 110,000 taun-taon na nagkakaroon ng cancer, halos 66,000 Pinoy ang namamatay.


Nagkakahalaga ng P600 – P3,000 kada sesyon ang breast ultrasound at P20,000 - P120,000 naman ang chemotherapy, batay sa Cancer Coalition Philippines.


“Certainly, the economic burden of cancer care and treatment is overwhelming and it has the potential to drive Filipino families deeper into poverty,” dagdag pa ni Velasco.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 13, 2020




Inaresto ng Manila Police District Station 3 ang 20 katao na pumunta sa isang reception ng binyag sa Manila North Cemetery nitong Sabado ng gabi. Nilabag ng mga suspek ang health protocol na ipinatupad ng Department of Health (DOH) laban sa Covid-19.


Nagulat na lamang ang mga bisita nang biglang dumating ang mga pulis kung saan ginanap ang nasabing reception. Naglagay din sila ng tent para sa nasabing reception, walang mga suot na face mask at face shield at nagbi-videoke pa habang nag-iinuman.


Dinala sa isang covered court malapit sa Station 3 ng MPD sa Sta. Cruz, Maynila ang mga inaresto at nahaharap sa reklamong paglabag sa health protocols.


Nauna nang nagbabala ang DOH na bawal ang pagbi-videoke dahil mataas ang tsansang makapag-transmit ng virus habang kumakanta dahil iisang mic lang ang ginagamit na pinagpapasa- pasahan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page