ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 10, 2024
Pirmado na ang ating panukalang paigtingin ang access ng mga mag-aaral sa kinakailangang mga mental health services na magtataguyod sa kanilang kapakanan.
Napapanahon ang batas na ito lalo na’t dinaranas ng ating bansa ang isang ‘pandemya’ ng mental health. Itinuturing din na bullying capital of the world ang Pilipinas dahil kung ihahambing natin sa karanasan ng mga mag-aaral sa ibang bansa, mas nakakaranas ng bullying ang mga estudyanteng Pilipino.
Ayon sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo.
Matutugunan natin ang hamong ito sa pamamagitan ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod bilang sponsor at pangunahing may akda. Layon ng batas na ito na bumuo ng School-
Based Mental Health Program para sa mga mag-aaral ng mga pampubliko at pribadong paaralan, kabilang ang mga naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS).
Magiging bahagi ng School-Based Mental Health Program ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; emotional, developmental at preventive programs at iba pa.
Sa pagtiyak nating abot-kamay ang mga serbisyong pang-mental health, magagabayan natin ang ating mga mag-aaral na maging matatag, mapipigilan ang mga pagkamatay dahil sa suicide, at maisusulong ang kaligtasan sa ating mga paaralan.
Tutugunan din ng batas na ito ang kakulangan ng ating mga pampublikong paaralan sa guidance counselors. Mandato ng batas ang pagkakaroon ng Care Center sa bawat pampublikong paaralan na pamumunuan ng School Counselor na dapat ay isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist.
Lumikha rin ang naturang batas ng mga bagong posisyon na tutulong sa paghahatid ng mga mental health services: ang School Counselor Associate I hanggang V. Bukas ang posisyon sa mga graduate ng ibang larangan tulad ng mga nagtapos ng Bachelor’s Degree in Guidance and Counselling o Psychology.
Paalala sa ating mga magulang at guro, huwag tayong mahiyang humingi ng tulong kung may pinagdaraanan ang ating mga mag-aaral o anak pagdating sa mental health, lalo na’t kasing-halaga rin ito ng ating mga pisikal na kalusugan.
Sa panahong kailangan natin ng suporta, meron na tayong matatakbuhan sa ating mga paaralan at hindi na natin kailangang pasaning mag-isa ang ating mga suliranin.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com