ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 11, 2024
Dear Chief Acosta,
Isa akong solo parent na may tatlong anak. Ang pamilya ko ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o tinatawag na 4Ps. Dahil sa pangungutya ng kanyang mga kaklase, ang aking 10-taong gulang na anak ay ayaw nang mag-aral. May nakapagbalita sa akin na kapag hindi na diumano nag-aaral ang isang bata, kami ay awtomatik na matatanggal sa programa. Nangangamba ako na kami ay mawala sa programa dahil dito. Malaki kasi ang nagiging tulong ng 4Ps sa amin. Kami ba ay matatanggal na sa 4Ps? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Mac Paul
Dear Mac Paul,
Isa sa mga pangunahing problema ng lipunan ay ang kahirapan. Ito ay humahantong sa mas maraming dagok na nagdudulot ng hindi magandang kalagayan ng pamumuhay sa malaking populasyon ng mga Pilipino. Dahil dito, ang ating pamahalaan ay patuloy na gumagawa ng mga programa upang lutasin ang problema ng kahirapan sa bansa.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11310, o mas kilala bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, ay naglalayong putulin ang sistema ng kahirapan sa ating bansa sa pamamagitan ng edukasyon. Ang programa ay nagbibigay ng educational grant sa mga mag-aaral upang maipagpatuloy ang pag-aaral at hindi ito mahinto dahil sa kahirapan. Kaugnay nito, isa sa mga kuwalipikasyon upang patuloy na maging miyembro ng 4Ps ay ang patuloy na pagpasok sa eskwelahan ng mag-aaral. Ayon sa Seksyon 11(e) ng nasabing batas:
“Section 11. Conditions for Entitlement. –
All qualified household-beneficiaries shall comply with all of the following conditions as a requirement for continued program eligibility: xxx
(e) Children five (5) to eighteen (18) years old must attend elementary or secondary classes at least eighty-five percent (85%) of their time; and xxx”
Isa sa mga kondisyon upang patuloy na makatanggap ng benepisyo mula sa programa ay dapat nag-aaral ang mga batang edad lima hanggang 18 sa higit-kumulang 85% ng klase.
Ngunit, ayon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 11310, ang isang benepisyaryo na hindi sumusunod sa mga nakasaad na kondisyon ng batas ay hindi kaagad matatanggal sa programa. Ayon sa Section 20 ng nasabing IRR:
“Section 20. Should the qualified household-beneficiary member so notified persist in not complying with the conditions within a period of one (1) year since the day of receipt of the written notification, the qualified household-beneficiary member shall be removed from the program. There shall be proper notice to the non-compliant qualified household-beneficiary prior to removal from the program. Guidelines for the removal of non-compliant beneficiaries shall be formulated by the DSWD, with the approval of the NAC.
However, interventions shall be conducted by the respective government agency vis-á-vis the non-compliance of the qualified household-beneficiary member based on a specific case management intervention plan to address the reason for non-compliance.”
Binibigyan ng isang taon ang isang household-beneficiary member matapos mabigyan ng nakasulat na abiso upang sumunod sa kondisyon ng batas. Bibigyan din ng angkop na interbensyon ang hindi sumunod na benepisyaryo.
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang iyong pamilya ay hindi awtomatikong aalisin sa programa. Ang iyong pamilya ay sasailalim sa angkop na interbensyon na naaayon sa case management intervention plan. Kung matapos ang isang taon mula sa nakasulat na abiso, at patuloy pa rin ang inyong hindi pagsunod sa kondisyon ng batas, tsaka pa lamang kayo maaaring maalis sa programa. Sinisiguro ng IRR na magkakaroon ng wastong abiso sa mga hindi sumusunod na benepisyaryo bago matanggal sa 4Ps.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.