ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 13, 2025
Dear Doc Erwin,
Nais ko sanang isangguni sa inyo ang ibinigay na advice sa akin ng aking kaibigan. Twenty five years old na ako at may sakit na epilepsy. Regular na umiinom ako ng gamot para rito na inireseta ng aking doktor.
Nagbigay ng suhestiyon ang aking kaibigan na uminom ako ng MCT Oil bilang supplement.
Ayon sa kanya mula ng regular na umiinom ang kanyang anak nito ay mas dumalang ang
atake ng epilepsy nito.
Ano ba ang MCT Oil? Safe ba na uminom nito? Makakatulong ba ang MCT Oil sa aking epilepsy? — Eduardo
Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang MCT Oil ay isang dietary supplement na galing sa coconut oil. Ang ibig sabihin ng MCT ay “Medium Chain Triglyceride”. Ang paggamit ng MCT Oil ay nagmula noong 1920's kung saan ginamit ng doktor ang ketogenic diet sa panggagamot sa mga kabataan na may epilepsy.
Ayon sa Cleveland Clinic sa bansang Amerika, popular ang MCT Oil sa pagpapapayat. Ang pag-inom nito, ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa European Journal of Clinical Nutrition noong July 2014, ay nakakapagpababa ng dami ng kinakain. Dahil dito nakakatulong ito sa pagpapapayat ng mga indibidwal na gustong magbawas ng timbang.
Popular din na ginagamit ang MCT Oil ng mga atleta at ng mga may edad na katulad ng mga senior citizen, dahil sa kakayanan nito na magbigay ng enerhiya. Dahil madali itong ma-absorb at ma-digest mas mabilis itong nagagamit ng katawan natin bilang enerhiya.
Makakatulong din daw ito upang maiwasan ang diabetes at Alzheimer's disease. Naniniwala rin ang ibang dalubhasa na makakatulong ito sa mga indibidwal na may autism, mapababa ang blood sugar level at makapagpababa ng inflammation sa ating katawan.
Bukod sa mga nabanggit na health benefits ng MCT Oil, may health benefit din ito sa sakit na epilepsy.
Mahigit nang isandaang taon ang nakakalipas ay ginamit ng mga doktor ang ketogenic diet sa panggagamot ng epilepsy. Base ito sa mga pag-aaral na ang ketogenic diet ay nagpapataas ng level ng ketones sa ating katawan at ang ketones ay napatunayan nang nakakatulong upang mabawasan ang atake ng epilepsy. Ganito rin ang epekto ng pag-inom ng MCT Oil -- tumataas ang level ng ketones sa ating katawan.
Sa isang pag-aaral na nailathala noong June 2013 sa scientific journal na Neuropharmacology, ang Medium Chain Triglyceride (MCT) ay nakitang mas epektibo pa sa isang gamot na ginagamit sa epilepsy bukod sa mas mababa ang potential side effects nito kumpara sa nasabing gamot.
Sa clinical trial na pinangunahan ni Dr. Emmaline Rasmussen ng Northshore Neurological Institute sa Illinois sa bansang Amerika, ang MCT Oil supplementation ay nakapagpababa ng 42% porsyento sa dami ng atake (seizures) ng epilepsy. Mababasa ang pag-aaral na ito sa journal na Nutritional Neuroscience na nailathala noong June 2023.
Tandaan lamang na ang MCT ay nasa ilang pagkain din, katulad ng cheese, yogurt, gatas at coconut oil. Ngunit, kung nanaisin na uminom ng MCT Oil supplement maaaring makaranas ng ilang side effects katulad ng pagsakit ng tiyan, bloating, pagtatae at pagsusuka. Kaya't mas makakabuti na mag-umpisa sa mababang dose. Makakabuti rin na kumonsulta sa inyong doktor o sa nutritionist upang malaman ang tamang dami ng iinumin na MCT Oil.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com