ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 26, 2025

Natabunan na ang isyu hinggil sa pagguho ng tulay sa Cabagan, Isabela.
Nagtuturuan ang mga kumag.
Kumbaga sa postings sa social media, ang keywords dito ay kontraktor, subasta, padrino at korupsiyon.
----$$$--
KAPAG may imprastruktura, hindi kailangan ng debate — idinidikit ‘yan sa korupsiyon.
Kakambal ‘yan ng kasaysayan ng Republika ng Pilipinas.
‘Pag may gumuho, dambuhalang kurakot!
----$$$--
MAY nagma-marites ngayon na isang mambabatas, ang pinalagan na mismo ng mga taga-DPWH.
Isang kontraktor kasi ito na naging partylist.
Kitam, napasok pa niya ang modernong “modus”.
-----$$$---
WALA siyang sariling distrito, pero siya na mismo ang nagma-marites upang mai-black propaganda ang mga lehitimong kontraktor.
Siyempre, ito ay para masulot niya — maliit man o malaking “ticket projects”.
Tsk, tsk, tsk.
----$$$--
EPEKTIBO ang kanyang diskarte, kasi may naine-namedrop siya kakambal ang kanyang padrino.
Presto, ayos na ang buto-buto.
He-he-he.
----$$$--
SIMPLE lang ang boladas: “Napag-usapan na namin iyan ni boss, sa akin ang project na ‘yan”.
Marami siyang padrino at maboladas.
Ere ang angas: Solidarity sa corruption.
Ha! Ha! Ha!
----$$$--
ISANG malaking problema ngayon ay ang mental health at marami ang umiiwas na pag-usapan ito.
Paano mareresolba kung walang kikilos?
-----$$$--
NATUTUWA tayo sa pagsuporta sa mga single parent at pamilya na may anak na may mental health conditions sa Pasig City.
Karaniwang idinadaing ay “ADHD” at “Autism”.
-----$$$--
SA totoo lang, isang civic leader na may apat na anak na dumaranas ng ganitong problema ay nagpapasimuno na tulungan ang mga batang may mental health conditions.
Nagkusang tumulong dahil nararamdaman kasi ni Sarah Discaya ng Pasig City kung paano at gaano ang hirap ng mga magulang na may mga anak na may Autism at ADHD.
----$$$--
“NAUUNAWAAN ko ang hirap na nararanasan ng mga magulang ng mga batang may ADHD. Alam ko ang kanilang pangangailangan at kung gaano kamahal ang mga therapy at ibang medikal,” wika ni Discaya na kandidatong mayor sa Pasig.
Mahaba ang gamutan at halos habang buhay ang pag-aalaga sa mga batang may ganitong karamdaman kaya’t ito ang pinagtutuunan ni Discaya.
----$$$--
TINIYAK niya sa mga Pasigueño na hindi rin siya titigil sa pagkakawanggawa at pagtulong sa mga magulang na kapos sa pantustos at panggastos upang maalalayan ang kanilang mga anak.
“Ang sipag, pananampalataya sa Diyos, at tiwala sa sarili ang pundasyon nating lahat upang maibsan ang mabibigat na suliraning ito,” ani Discaya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.