ni Ryan Sison @Boses | Jan. 15, 2025
Sa limang taong paghihintay ng mga kababayang motorcycle taxi rider, panahon na rin siguro para sa pagpasa ng Motorcycle Taxi Law.
Ito ang inihirit ng Motorcycle Taxi Community Philippines (MTCP), isang grupo ng mga MC taxi rider, kung saan hinimok ang Senado na pabilisin ang pagpasa ng batas na magre-regulate sa motorcycle ride-hailing sector.
Sa isang pahayag ay nanawagan si MTCP Chairman Romeo Maglunsod sa Senate Committee on Public Services, na unahin at madaliin ang legalisasyon ng mga motorcycle taxi sa buong bansa.
Aniya, ang pilot program, na nagpapahintulot sa operasyon ng mga motorcycle taxi bilang public transportation ay nasa ikalimang taon na ngayon at kailangang ma-institutionalize ng isang batas.
Ang motorcycle taxi sector ay nag-o-operate sa ilalim ng pilot program na inilunsad noong 2019, kabilang ang mga kumpanya gaya ng Angkas, JoyRide, at Move It, na may pinagsama-samang 45,000 rider sa Metro Manila.
Layon ng naturang programa na suriin ang posibilidad at safety ng mga motorcycle-for-
hire bilang opsyon na pampublikong transportasyon.
Binigyang-diin ni Maglunsod na ang pagpasa ng Motorcycle Taxi Law o pagsasabatas nito ay makapagdaragdag ng kumpiyansa ng mga komyuter sa paggamit ng mga motorcycle taxi bilang isang maaasahan, abot-kaya, at ligtas na paraan ng transportasyon.
Sinabi rin niya na kapag mayroong maayos na regulasyon, matitiyak din nito ang pagkakaroon ng safety standards, patas na kasanayan, at pinabuting serbisyo.
Nagpahayag naman ang grupo ng pagkabahala na ang patuloy na hindi pagkakasundo sa pagpasa ng naturang batas ay maaaring makahadlang sa pag-unlad ng industriya at ang potensyal nitong makapag-ambag sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga oportunidad na pangkabuhayan.
Marahil, hinog na sa panahon ang Motorcycle Taxi Law dahil matagal na rin ang limang taon na pag-aaral o ang pilot program ng gobyerno tungkol dito.
Malaking tulong din sa mga komyuter ang mga motorcycle taxi dahil nagbibigay ito ng praktikal na solusyon sa problema ng trapiko.
Kung tutuusin, mas mura ang pamasahe rito at mabilis pa ang biyahe. Kumbaga, less hassle ito para sa mga pasahero ng MC taxi.
Ang problema lang kung minsan, dahil siguro sa kaunti lamang sila, ay natatagalan sa pag-book dahil walang kumukuhang rider. Isa pang alalahanin dito ay tuwing umuulan, siyempre mahirap magbiyahe na nakamotor, pero madali naman itong masolusyunan.
Kung matatandaan, malaki ang naging ambag ng mga motorcycle taxi noong panahon ng pandemya dahil ang mga ito ang ginamit nating transportasyon.
Sa palagay ko naman, mula noon hanggang ngayon ay maganda ang resulta ng pagkakaroon ng MC taxi at may pakinabang talaga sa mga kababayan, kaya sana ay kaunting repaso na lamang ang gawin ng kinauukulan para maipasa at maging ganap na batas na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com