ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 20, 2024
Dear Chief Acosta,
Maaari bang mag-ampon ang isang single? O kinakailangan bang mapunta sa pamilyang may konsepto ng ama at ina ang bata na maaaring ampunin? Anong batas ba ang nagsasabi kung sino lang ang maaaring mag-ampon? — Ariana
Dear Ariana,
Para sa iyong kaalaman, sa Section 21 ng Republic Act (R.A.) No. 11642¸ o mas kilala sa tawag na “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act,” nakasaad kung sinu-sino ang kuwalipikadong mag-ampon:
“Section 21. Who May Adopt. – The following may adopt:
(a) Any Filipino citizen at least twenty-five (25) years of age, who is in possession of full civil capacity and legal rights; has not been convicted of any crime involving moral turpitude; is of good moral character and can model the same; is emotionally and psychologically capable of caring for children; at least sixteen (16) years older than the adoptee; and who is in a position to support and care for adopted children in keeping with the means of the family: Provided, That the requirement of sixteen (16)-years difference between the age of the adopter and the adoptee may be waived when the adopter is the biological parent of the adoptee, or is the spouse of the adoptee’s parent;”
Sang-ayon sa nabanggit na batas, maaaring mag-ampon ang isang indibidwal na may edad na hindi bababa sa 25-taong gulang; may buong kapasidad na sibil at legal na karapatan; hindi nahatulan ng krimen na may kinalaman sa moral turpitude; may magandang katangiang moral; may kapasidad mag-alaga ng bata emotionally at psychologically; may kakayahang magsustento at kumalinga sa bata; at may karaniwang agwat sa edad na hindi bababa sa 16 taon sa batang aampunin.
Para sagutin ang iyong katanungan, maaaring mag-ampon ang isang single sapagkat wala namang binanggit sa batas na mag-asawa lang ang puwedeng mag-ampon. Ang mahalaga ay kuwalipikado ang mag-aampon sang-ayon sa mga nabanggit ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.