ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 27, 2024
Salamat sa Maykapal at paparating na ang isang Bagong Taon. Ito ay sasalubungin ng marami sa atin ng pagsindi ng iba’t ibang klase ng paputok kahit yaong mga bawal. Na mauuwi sa kasayangan ng naipong salapi, sa nakabibinging ingay lalo na sa mga barangay na dikit-dikit ang mga bahay, sa paglalason sa ating baga at kay Inang Kalikasan, dagdag-basura sa mga lansangan, at posibleng ang biglaang pagiging duguang pasyente sa emergency room ng mga ospital.
Matagal nang kasabihan na ang pagpapaputok ay pagtataboy sa masasamang espiritu, kamalasan, kalungkutan at kahirapan mula sa ating buhay. Ngunit ilang dekada na ang lumipas ay patuloy pa rin namang bahagi ng ating mga araw ang mga iyan. Sa bandang huli, nasa sa atin kung paano mahaharap at malalampasan ang anumang hamon ng buhay.
Kung kaya’t mainam na sa halip na magpaputok ng mga ipinagbabawal ay pagsikapang maging patok, sa kahit maliit na paraan, nang may tapat na paniniwala sa kabutihang idudulot nito para sa ating kapwa.
Iwaksi ang pag-aalinlangan sa sariling abilidad na maisakatuparan ang dalisay na hangarin at adhikain sa gitna ng pagiging abala sa hanapbuhay.
Ibasura ang pagkamahiyain at ilabas ang kakayanang maging tagapayo, tagapagsalita o kasapi sa anumang adbokasiya o pinagkakaabalahan sa buhay. Maging mapagpakumbaba habang naglalahad ng impormasyong kapaki-pakinabang na ibahagi sa iba, habang iniisip ang kapakanan ng binabahaginan.
Kalimutan ang pagpapabaya sa sarili at alagaan ang pangangatawan, isipan at damdamin. Sa gitna ng kasagaran ng kabaitan, buhos na pagmamalasakit o wagas na pagsinta ang ialay sa iba — na madalas ay hindi tayo nasusuklian — yakapin natin ng pagmamahal at pang-unawa ang ating mga sarili.
Kung matagal nang ipinagpapaliban ang pag-aayos ng samu’t saring kalat sa ating tahanan o sariling espasyo, simulan na ito, upang makatulong din sa pagpapaaliwalas ng ating isipan at maghawi ng ating alinlangan tungo sa pagsasaayos ng ating sariling pamumuhay na lagi nating ninanasang gawin ngunit nauuwi sa pagpapatumpik-tumpik.
Kung higit pa ang ginagastos kaysa kinikita, isa-isang balikan ang mga pinaglalaanan ng salapi at pag-aralan kung paano makakatipid kahit kaunti. Pigilin ang sarili sa hindi kinakailangang paggastos. Humanap ng side hustle o dagdag na pagkikitaan na maaaring kalaunan ay siyang maghatid ng inaasam na malaking kita na magpapalaya sa pagiging trabahador o empleyadong limitado ang suweldo.
Kung sinasakluban ng pagsisisi sa gitna ng naranasang pagkabigo — sa relasyon man o pangarap marating — ay tanggapin nang maluwag sa kalooban ang sinapit at huwag nang magtanim ng sama ng loob sa mga taong naging instrumento nito. Bumangon mula sa pagkakalugmok, gaano man kahirap. Walang ibang tutulong sa ating sarili kundi tayo rin lamang. Kumalma at itigil na ang paninisi sa ibang tao, habang inaako ang sariling mga pagkukulang, kahinaan at responsibilidad na daan sa pagtahak ng ninanasang pagbabago sa buhay.
Gunitain ang mga naging pangunahin o makabuluhang naisakatuparan at nakamit nitong 2024 at pagbulay-bulayan ang mga bahagi sa buhay na kailangang bigyan ng pansin at ayusin. Pakalimiin kung paano natin dinala ang papatapos na taong ito at ang mga pagkakataon at hamon na kaakibat nito. Ginawa ba natin ang lahat ng ating makakaya? Naging patas ba tayo sa lahat? Ginamit ba natin ang bawat pagkakataong ibinigay sa atin para maghatid ng kabuluhan sa buhay ng ating kapwa? Binigyang puwang ba natin ang paglilingkod sa bawat sirkumstansyang iniharap sa atin? Ano nga ba ang naging prayoridad natin sa taong 2024? Tayo ba ay nagsilbing pinakamainam na bersiyon ng ating sarili?
Anuman ang ating kasagutan sa mga nabanggit na katanungan, may sisilay na Bagong Taon na may dala-dalang panibagong pag-asa. Kaya’t asintaduhin natin ang pagbubuhos ng lakas at sigla sa pagharap sa pangarap na kinabukasan. Ang 2025 ay taon ng bawat nanalig at nagsusumikap — angkinin ang biyaya ng 2025.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.