ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 20, 2025

Iniulat kamakailan ng Department of Education (DepEd) na babawasan ng 57% ang mga forms na kailangang punan ng ating mga guro. Malaking tulong ito upang matutukan ng ating mga guro ang pagtuturo at matiyak na natututunan ng ating mga mag-aaral ang dapat nilang pag-aralan.
Matagal nang hinaing ng ating mga guro na nagiging sagabal sa kanilang pagtuturo ang dami ng non-teaching tasks na kailangan nilang gawin. Una nang nabatid sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na lumabas noong nakaraang taon na umaabot sa mahigit 50 ancillary at administrative tasks ang kailangang gampanan ng mga guro.
Lumabas din sa isang pag-aaral ng IDinsight at ng EDCOM II na umaabot sa 52 oras ang average na inilalaan ng mga guro kada linggo upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Lagpas na ito sa 40 oras kada linggo na iminamandato ng batas para sa kanila. Ayon pa sa naturang pag-aaral, isa sa apat na guro ang nagtatrabaho ng mahigit 60 oras kada linggo dahil sa mga dagdag na workload bilang mga librarian, school clinician, canteen managers at iba pa.
Ipinag-utos na sa ilalim ng DepEd Order No. 002 s. 2024 ang pag-alis ng mga non-teaching tasks sa mga guro, samantalang nilinaw naman ng DepEd Order No. 005 s. 2024 ang mga limitasyon sa workload ng mga guro.
Matatandaan ding inanunsyo kamakailan ng DepEd ang pag-hire sa mahigit 7,000 administrative staff sa ilalim ng contract of service upang mapagaan ang trabaho ng mga guro. Malaking tulong sa ating mga guro ang mga dagdag na kawaning ito, ngunit marami pa tayong dapat gawin upang matiyak na may sapat na non-teaching staff sa mahigit 47,000 na pampublikong paaralan sa bansa.
Kaya naman patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na ating inihain. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, magiging institutionalized ang polisiyang ipagbawal ang pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa ating mga guro. Iminumungkahi rin nating bawasan ang oras ng pagtuturo ng mga guro mula anim pababa sa apat. Kung maisabatas ang panukalang ito, magiging mandato sa DepEd at Department of Budget and Management (DBM) na punan ang mga non-teaching positions.
Nakasalalay ang kalidad ng ating edukasyon sa kakayahan ng ating mga guro. Ngunit para magtagumpay ang ating mga guro, kailangang ibigay natin sa kanila ang bawat suportang kinakailangan nila upang magampanan nang husto ang kanilang tungkulin.
Marami pa tayong dapat gawin para sa kanila at sa ating pagtutulungan, maisasakatuparan din natin ang mga inaasam na polisiya para maitaguyod nang mabuti ang kapakanan ng ating mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com