ni Ryan Sison @Boses | Feb. 21, 2025

Dahil sa napipintong taas-pasahe sa LRT, asahan na marami ang aalma hinggil dito lalo na ang mga apektadong komyuter at posibleng magresulta sa malawakang protesta.
Ito ang naging babala ni Akbayan partylist Rep. Percival ‘Perci’ Cendaña dahil nababahala na ang mga pasahero makaraang aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang petisyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na magtaas ng singil sa pamasahe sa Light Rail Transit 1 (LRT-1) sa Abril 2, 2025.
Ang pamasahe ay magiging P20 sa pinakamalapit na destinasyon na noon ay P15 lamang at sa pinakamalayong destinasyon naman ay magiging P55 na dati ay nasa P45.
Ayon kay Cendaña, ang hiling ng taumbayan ay ayusin ang operating hours at hindi bigyang pasakit ang mga komyuter ng LRT. Habang aniya, maging handa sa susunod na protesta ng taumbayan kung ipapatupad ng LRMC ang fare increase.
Dismayado naman ang maraming estudyante na anila, tila hinahayaan lamang ang magtaas nang magtaas ng pamasahe gayundin ang kanilang tuition ng hindi naman angkop sa pagtaas ng kalidad ng serbisyo. Giit din nila na mahihirapan silang lalo dahil hindi na sasapat ang kanilang magiging baon araw-araw.
Ang laki naman talaga ng itataas na pamasahe sa LRT at siguradong aaray dito ang mga komyuter lalo na ang mga estudyante.
Kung titingnan kasi ay aabot ng daang piso ang dagdag sa buwanang gastusin ng mga kababayan sa pamasahe pa lamang habang wala namang increase sa kanilang sahod.
Bukod pa rito ay humihirit din ang mga jeepney driver at operator ng dagdag-pasahe kaya napakabigat at grabeng pasanin ito sa mga komyuter.
At hindi mo sila masisisi kung umabot sa puntong kumilos sila sa pamamagitan ng pagpoprotesta.
Batid din naman natin ang hiling ng pamunuan ng LRT na magtaas sila ng pamasahe dahil anila, mula noong 2015 ay isang beses pa lang naaprubahan ang kanilang fare increase, at ito nga ngayong taon.
Kaya sa ating gobyerno, sana ay resolbahan naman ang matagal nang problemang ito sa transport group dahil marami na ang nagsasakripisyo, at tila walang nangyayari sa inyong pamamahala. Huwag sanang balewalain o magbingi-bingihan, sa halip bumuo ng epektibong solusyon para hindi paulit-ulit ang mga suliranin ng ating bansa.
Gayundin, dapat gumawa ng paraan para mapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, mabigyan ng maraming trabaho, makontrol sana ang presyo ng petrolyo at iba pa, nang sa gayon ay talagang umunlad na ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com