ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 3, 2025
Ilang beses na nating naranasang kumuha ng larawan o video gamit ang ating cellphone pero ayaw nitong tumuloy o tila mabagal ang paggana, dahil puno na pala ang iyong gadget at kulang na sa espasyo para sa maidadagdag pa sana. Kaya mainam na sa tuwina ay magpurga ng laman nito sa pamamagitan ng pag-delete o paglipat ng naipong mga kuha papunta sa kompyuter o kagamitang pang-imbak ng digital files gaya ng flash drive o natatanggal na hard disk. Kapag nagawa ito ay mapapansing bibilis ang andar ng paborito nating aparato at malalagyan iyon ng bagong mga imahen ng mga tauhan, bagay o lugar na nais nating masulyapan nang ilang ulit matapos makuhanan.
Sa pagsisimula nitong naipagkaloob sa atin na bagong taon, mainam ding burahin sa ating pamumuhay ang maraming bagay na maaaring nakapagpapabigat sa ating kamalayan at nakapagpapabagal ng ating pag-unlad at pagginhawa nang kahit paunti-unti.
Sa isang banda, baka may mga kagamitan pa tayo sa bahay o sa pinapasukan na nakabalandra lamang at matagal nang walang silbi ngunit hindi pa naididispatya dala ng pagiging abala, dahil nakatamaran na o gawa ng taglay nitong matimbang na alaala ng nasirang kadugo, kasintahan o matalik na kaibigan. Kung mas makatutulong din lang naman ay pakawalan na ang mga bagay na hindi nagagalaw at napag-iipunan lang ng alikabok, gaya ng pag-alay ng mga ito sa ilang institusyong pangkawanggawa. Kaya magpaalam sa mga butas na medyas, mga aklat na hindi nabubuklat o tapos nang basahin, mga damit na ilang buwan o taon nang hindi isinusuot, o mga napaglumaang kasangkapan.
Pagnilay-nilayan din ang pagwaksi sa kalagayan o kinalalagyang ang tanging dulot ay pagdurusa o paglason sa ating pagkatao. Nakakakaba man ang hindi pa makita o mawaring hinaharap ngunit malamang ay mainam pa rin iyon kung ang kapalit ay paglaya mula sa nakapipinsalang dalamhati o kalugmukan sa kasalukuyan.
Iwaksi sa isipan at diwa ang anumang pagkahumaling sa nakaraan, lalo na sa mga napalampas at nakaalpas na mga pagkakataon o kaya’y mga nagawang pagkakamali na ang tanging naidudulot ay walang patid na pagsisisi. Imbes ay pulutin ang natutuhang mga aral at baunin ito sa pagpapatuloy sa pakikipagsapalaran sa mundo.
Ibasura rin ang mga kaugaliang nakasasayang lang ng ating lakas at oras, gaya ng pagpupuyat nang walang saysay o pagkagumon sa mobile games o walang humpay na panonood ng nagkalat na mga video. Paboran ang pagtalakay sa mga gawaing mas makapagpapausbong ng ating mga kakayahan at kabuhayan, gaya ng ehersisyong makapagpapatibay ng katawan at mga sanaysay o libangang makapagpapatalas ng utak.
Kumalas sa pag-aalinlangan sa nais maipatupad o maipamalas sa madla at pakawalan ito mula sa pagkakakubli sa ating kalooban. Malay mo, ito pala ang susi upang makamit ang mailap na tagumpay.
Lalong sanayin ang sarili na maging matibay pagdating sa damdamin at kumawala sa pagiging balot na balot ng poot o lungkot tuwing darating ang iba’t ibang uri ng pagsubok. Kahit walang karamay, maaaring malabanan ang galit o lumbay kung hihinto at pagmamasdan ang sarili at makikita ang sitwasyon nang may kaluwagan imbes na kasikipan ng pananaw. Idagdag natin dito ang pagbawas sa pagtingin sa malayo, lalo na kung ang resulta niyon ay ang makaligtaan ang nakatambad na nang malapitan sa iyong harapan.
Palitan ng mas nakaaakit na pagpapakumbaba ang anumang nakakainis na yabang, ngunit piliin ding pairalin ang lakas ng loob sa mga pagkakataong hindi makatutulong ang pagkamahiyain.
Itigil din ang sukdulang pag-aalala sa mga nakababagabag na bagay na maaaring mas masahol pa habang iniisip at malayo namang maging katotohanan.
Sakto ang usaping ito ngayong simula ng bagong taon, na may dalang pagkakataong makapag-umpisang muli nang hindi pa puno ang sisidlan, ang kahon, ang silid, o ang salop ng ating katauhan.
Kung maisasabuhay natin ang kahit ilan lamang o lahat ng kapaki-pakinanabang na mga payo at aral tulad ng mga nabanggit, hindi lamang gagaan ang ating pakiramdam at kamalayan. Magiging handa pa tayo sa pagharap sa darating na mga araw, linggo at buwan, gayundin sa pagtanggap ng mga karanasan, aral at biyayang nakapaloob dito para sa atin.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.