ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 4, 2025
Dear Chief Acosta,
Nagbabalak akong magbakasyon sa ibang bansa kasama ng aking anak na babae. Sa kasamaang-palad, hindi makakasama sa amin ang aking mister dahil may trabaho siya. Narinig ko sa isang kaibigan na kailangan ko diumano kumuha ng DSWD Travel Clearance para sa aking anak upang payagan kaming makaalis ng bansa. Totoo ba ito? Kung kailangan naming kumuha ng nasabing travel clearance, gaano katagal ang bisa nito? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Mitchie Grace
Dear Mitchie Grace,
Isa sa mga mekanismo ng ating gobyerno upang maprotektahan ang kapakanan at seguridad ng ating mga kabataan ay ang pagpapatupad ng mga tuntunin upang masiguro na ligtas ang kanilang magiging paglalakbay patungo sa ibang bansa.
Ang Administrative Order (AO) No. 12 Series of 2017, na may petsang 10 Nobyembre 2017, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o mas kilala bilang “Omnibus Guidelines for Minors Travelling Abroad” ang naglalahad ng mga taong nangangailangan na kumuha ng sertipikasyon mula sa DSWD para makalabas ng bansa. Ayon sa Section 6(a), Article VI ng nasabing Order:
“VI. General Policies x x x
All minors travelling abroad are required to secure a travel clearance except for the following:
a. A minor accompanied by the following:
i. Either or both of the minor’s parents, if the minor is legitimate
ii. The minor’s biological mother, if the minor is illegitimate;
iii. The minor’s father who has been granted sole parental authority or custody by the proper court, if the minor is illegitimate;
iv. The minor’s legal guardian;
v. The person, including one of the minor’s parents, who was granted sole parental authority or legal custody by the proper court, in which case the court decision should specifically include a statement to this effect, i.e., naming the person to whom sole parental authority or legal custody over the minor has been granted;
vi. Minor’s adoptive parents if the minor is granted with adoption decree and Certificate of Finality.”
Ang lahat ng menor-de-edad na naglalakbay patungo sa ibang bansa ay kinakailangang kumuha ng travel clearance maliban sa mga pagkakataong nabanggit sa itaas. Kaugnay nito, isa sa mga hindi kinakailangang kumuha ng travel clearance mula sa DSWD bago makaalis ng bansa ay ang mga batang aalis kasama ang isa o parehong mga magulang, kung ang menor-de-edad ay isang lehitimong anak, o mga batang aalis kasama ang kanilang ina, kung ang menor-de-edad ay isang hindi lehitimong anak.
Upang sagutin ang iyong katanungan at ayon sa nabanggit, hindi na mo kailangan pang kumuha ng DSWD Travel Clearance para sa iyong menor-de-edad na babaeng anak, sapagkat ikaw, bilang kanyang ina, ang kasama niya sa kanyang paglalakbay. Ito ay tunay, lehitimo man o hindi ang estado ng inyong anak. Ayon sa ating mga umiiral na batas, ang isang lehitimong anak ay isang batang ipinanganak sa panahong kasal ang kanyang mga magulang.
Para sa iyong karagdagang impormasyon, may bisa ng isang travel clearance ay mula isa hanggang dalawang taon depende sa tagal na isinaad sa application. Nasasaad sa Section 6(a), Article VI ng kaparehong tuntunin:
“A travel clearance certificate shall be valid for a period of one (1) or two (2) years depending on the period applied for, and shall be valid for multiple travels EXCEPT for minors travelling with foster parents in compliance with Memorandum Circular 23, series of 2014 or the Guidelines on Poster Care Service.”
Ang sinumang hindi susunod sa mga tuntuning itinakda ng mga alituntuning ito ay maaaring hindi payagang makasakay ng eroplano o mapilitang hindi makabiyahe patungo sa kanilang pupuntahang bansa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.