ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 7, 2025
Masaya nating sinalubong ang pagpasok ng 2025 at habang marami na rin ang mga naghahanda sa nalalapit na Chinese New Year, tuloy din ang ating panawagang ipagbawal na ang pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok upang maitaguyod natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Lumabas sa datos ng Department of Health (DOH) na mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 5 ngayong taon, umabot na sa 832 ang mga firecracker-related injuries o mga nasugatan dahil sa paputok. May apat na nasawi dahil sa mga paputok, samantalang 491 naman sa mga biktima ang 19 taong gulang o mas bata pa.
Matatandaan na naglabas ng Executive Order No. 28 series of 2017 hinggil sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device. Sa kabila nito, marami pa rin sa ating mga kababayan ang napinsala dahil sa paggamit ng mga paputok.
Kaya naman inihain natin noong 2022 ang Firecrackers Prohibition Act (Senate Bill 1144). Kung maisabatas ang ating panukala, maaamyendahan ang Republic Act 7183, kung saan nakasaad ang mga regulasyon para sa pagbebenta, produksyon, at pamamahagi ng firecrackers at iba pang pyrotechnic devices.
Sa ilalim ng ating panukalang batas, tuluyang ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari, at paggamit ng anumang paputok o pyrotechnic device.
Nangangahulugan ba na wala nang maaaring gumamit ng mga paputok sa kahit anong okasyon? Nagmungkahi tayo ng exceptions. Para sa mga organisasyon, halimbawa, kakailanganin ang pagkuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office.
Bukod dito, kailangang isagawa ang anumang fireworks display ng mga propesyonal na may sapat na kasanayan at kaalaman sa paggamit ng mga paputok.
Ngunit habang hindi pa batas ang ating panukala, nananawagan tayo sa ating mga kababayan na huwag na tayong gumamit ng paputok kapag may mga okasyon upang hindi malagay sa panganib ang ating buhay.
Sa ating mga kababayan, hangad ko ang isang masagana, mapayapa, at ligtas na bagong taon para sa ating lahat!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com