ni Ryan Sison @Boses | Jan. 10, 2025
Siguradong dagdag-pasanin na naman ang aabutin ng mga komyuter dahil sa nagbabadyang taas-pasahe na inihihirit ngayon ng Light Rail Transit Line (LRT1).
Gayunman ayon sa Department of Transportation (DOTr) Rail Regulatory Unit (RRU), sila ang magdedesisyon patungkol sa petisyon na inihain ng Light Rail Manila Corp. (LRMC) para sa dagdag na pamasahe sa LRT1.
Sa isinagawang pagdinig ng DOTr-RRU kahapon, napakinggan nila ang mga komento at paliwanag ng iba’t ibang stakeholder hinggil sa petisyon ng naturang kumpanya.
Batay sa fare hike petition ng LRMC, ang pribadong operator ng LRT1, ang mga sakay sa tren sa 40-anyos na railway system ay tataas ng average na P7.48 kada pasahero.
Sa kasalukuyan kasi ang base fare para sa LRT1 ay nasa P13.29 boarding fee at P1.21 increment naman kada kilometrong biyahe, kung saan inaprubahan ng DOTr noong 2023.
Sakaling ma-approve ang petisyon, ang maximum fare o pinakamataas na pamasahe na P45 para sa isang biyahe na end-to-trip ay tataas sa P60.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, ang DOTr-RRU ay may maximum na 30 days mula sa araw ng public hearing upang suriin at makagawa ng desisyon patungkol sa fare hike petition.
Sinabi rin niya na isinasaalang-alang ng kagawaran ang parehong apela ng petitioner at ang mga paliwanag ng iba’t ibang grupo sa public hearing. Kaya aniya, may posibilidad na hindi maibigay ang fare increase, habang may posibilidad din na maipagkaloob ang actual amount sa petisyon ng LRMC, pero maaari ring maibigay sa mas mababang halaga.
Marahil, dapat na pag-aralang mabuti ng kagawaran ang dagdag-pasahe sa LRT bago tuluyang magdesisyon at ipatupad.
Magiging pahirap tiyak ito sa mga komyuter lalo na’t batid naman natin na kabi-kabila na ang pagtataas hindi lang ng mga bilihin at bayarin, at maging mga contributions, pagkatapos ay heto pang fare hike.
Kaya panawagan natin sa kinauukulan, mag-isip naman sana ng tamang solusyon sa mga problemang hinaharap ng mga mamamayan, huwag puro magagandang salita at mga pangako na kadalasan ay magagaling lang tuwing eleksyon. Kailangang kumilos at resolbahan ang mga isyu na katulad nito upang hindi maging pabigat sa taumbayan.
Alalahanin sana na mayroon kayong tungkulin na dapat gampanan, ito ay tapat na paglingkuran ang mga kababayan at tulungang guminhawa ang kanilang pamumuhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com