ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 20, 2025

TILA UNA PANG MAMALASING MATANGGAL SA PUWESTO SI SPEAKER ROMUALDEZ KESA PINATATANGGAL NILANG SI VP SARA -- Hiniling ng grupo ni Davao del Norte Rep., former Speaker Pantaleon Alvarez sa Ombudsman na patawan ng suspensyon at tanggalin muna sa puwesto si Speaker Martin Romualdez para hindi nito maimpluwensyahan ang isinampa nila ritong graft and criminal complaints.
Tila yata una pang mamalasing matanggal sa puwesto si Speaker Romualdez kesa pinai-impeach o pinatatanggal nila sa posisyon na si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, period!
XXX
VP SARA, NA-BASH NG NETIZENS, HIRIT NA TRO SA SC SELF-SERVING DAW ITO DAHIL TAKOT SIYA NA MA-IMPEACH -- Matapos magsampa ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang mga Davao lawyer na humihiling na ibasura ang impeachment complaints kay VP Sara ay sinegundahan ito ng mga abogado ng bise presidente na kumukuwestiyon sa legalidad ng pang-apat na impeachment complaint sa kanya, at kasabay ng paghirit sa SC na magpalabas na agad ng TRO upang hindi na matuloy ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Sana hinayaan na lang ni VP Sara sa mga Davao lawyer ang pagpa-file ng petisyon sa SC kasi dahil sa hirit niyang magpalabas na ng TRO ang SC, ay naba-bash siya ngayon sa social media, na kesyo “self-serving” ang hiling niya at kesyo “ngarag” na raw siya sa takot sa napipintong impeachment trial ng Senado laban sa kanya, boom!
XXX
‘PAYONG HUDAS’ NI GADON KAY VP SARA -- Nanawagan si Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Sec. Larry Gadon sa kanyang itinuturing na kaibigan noon na si VP Sara na mag-resign na lang ito sa puwesto para maiwasan na ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Iyang payo ni Gadon sa kaibigan niyang si VP Sara ay masasabing “payong hudas” kasi sa totoo lang sa rami ng mga senador na nagsabing tutol sila sa impeachment, ibig sabihin niyan ay hindi mai-impeach ang bise presidente, tapos hinihimok siya nito (Gadon) na mag-resign, period!
XXX
DAHIL DAMING KURAKOT AT POLITICAL DYNASTY KAYA FOREIGN INVESTMENTS SA ‘PINAS LUMAGAPAK -- Lumagapak sa 38.87% ang foreign investments sa Pilipinas last year 2024, ayon mismo sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa PSA, noong 2023 ay higit P889 billion ang pumasok na negosyo sa bansa, pero last year ay lumagapak ito sa P543.6 billion.
Isa lang naman nakikita nating dahilan kaya lumagapak ang foreign investments sa ‘Pinas, kasi bukod sa rami ng kurakot, dami pang political dynasty na ang feeling ay family corporation nila ang mga puwesto sa pamahalaan, boom!