ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 14, 2022
Kakaisang buwan pa lamang mula noong ginanap ang nasyunal na halalan ng bansa. Ngunit isa na namang eleksyon ang pinaghahandaan na ng mga nais tumakbo at ‘yan ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Hindi pa man tapos ang bilangan para sa halalan noong May 9, marami nang bulungan hinggil sa sinasabing postponement ng barangay elections na una nang itinakda sa Disyembre 2022. Nasa 41,948 ang huling bilang ng mga barangay sa buong bansa subalit kakaunti lamang ang lumalabas upang bumoto sa eleksyon ng mga barangay kumpara sa pagboto sa nasyunal. Kaya rin siguro hindi ganun kalaki ang bilang ng mga may pakialam kung natutuloy ang barangay elections.
Ngunit mahalagang isaisip na ang resulta ng halalan sa mga barangay ay may malaking impluwensya sa resulta ng halalang nasyunal. Kalimitan, ang mga nauupong opisyal ng barangay ang susuporta sa opisyales ng lokal na pamahalaan at ang mga LGUs ang susuporta sa mga tatakbong nasyunal. Parang laro ng domino-effect ang paggalaw ng isa ang lahat.
Sa ating pagma-”maritess”, kung tuloy na nga ba ang eleksyon sa Disyembre upang maghalal ng mga barangay captains, kagawad at mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan (SK), nakilala ko ang isang grupong kung tawagin ay ANFREL o Asian Network for Free Elections. Narito ang mga punto ng grupong ito na marapat nating pag-isipan.
Sa Pilipinas, ang ANFREL ay may miyembrong organisasyong kung tawagin ay Legal Network for Truthful Elections (LENTE). Ang LENTE at iba pang katulad na organisasyon ay naglunsad ng petisyon na nananawagan sa susunod na Kongreso na huwag ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Pinalalakas nila ang kanilang panawagan sa susunod na Kongreso na huwag ipagpaliban ang Disyembre 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (“BSKE”) sa gitna ng balitang tinitingnan ng ilang papasok na miyembro ng House of Representatives ang pagpapaliban ng BSKE para makatipid ng pondo para sa pandemya ng bansa.
Iniaatas ng Republic Act 11462 na dapat isagawa ang magkasabay na Barangay at SK elections tuwing unang Lunes ng Disyembre at tuwing tatlong taon. Ngunit sa nakaraan, ang BSKE ay madalas na naantala at ang mga opisyal ay nauuwi sa panunungkulan ng hanggang limang taon. Ang pagkaantala na ito ay sumasalungat sa pamantayan ng pana-panahong halalan, tulad ng itinatadhana sa Artikulo 21 ng Pangkalahatang Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Dagdag ng LENTE, na bagama’t ang pagtugon sa pandemya, dapat maging pangunahing prayoridad, ang pagsisikap na ito ay hindi dapat sumalungat sa pangunahing karapatan ng mamamayan na maghalal ng mga Pinuno ng Barangay at SK.
Lubos din anila na pagiging aktibo ng mamamayan sa naganap na May 9 elections na ipinakita bago, sa panahon at pagkatapos ng halalan na nakita sa 82.6% voter turnout. Ang mga opisyal na estatistika ng botante ay nagpapakita na ang kabataan ay may malaking papel sa pagpapasya sa susunod na mga pinuno ng Pilipinas. May kabuuang 37,015,901 ang nasa ilalim ng age bracket, na bumubuo ng 56% ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante. Makikita rito ang mithiin ng kabataan na magkaroon ng ambag sa kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng kanilang paglahok nitong kakalipas na halalan.
Sa panahon kung saan naging malakas na sandata ang social media na gamit ng kabataan, lalo na sa ating bansa, mas marami na talaga ang nakikilahok sa usaping pulitika dahil na rin sa makabagong kamulatan.
Ang barangay, ang isang basic unit ng ating pambansang demokrasya kung kaya’t taliwas sa paniniwala nang nakararaming Pilipinong hindi bumoboto tuwing barangay elections, mahalaga at hindi dapat maliitin ang halalaang ito. Sa barangay unang nilulutas ng magkakapitbahay ang mga isyu sa kanilang pamayanan kabilang na ang pagpapanatili ng kapayapaan, ang kalinisan ng paligid at kaayusan.
Ano sa tingin mo, dapat bang matuloy na ang BSKE ngayong Disyembre?