ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | September 13, 2022
Sa gitna ng mga panukalang huwag nang gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face mask, isang eksperto ang nagpayo na huwag gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa Metro Manila sa ngayon.
Ayon sa infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, kailangang kumunsulta pa rin ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiya at suriin ang mga benepisyo at panganib sa kanilang nasasakupan.
Kaya naman bukod sa batchoy at molo, isa ngayong fine-flex ng Iloilo ay ang napapanahong pagluluwag nila pagsusuot ng facemask sa kanilang probinsya.
Kasunod ng mga yapak ng Cebu, inalis na ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ang mandatoryong paggamit ng mga face mask kapag nasa labas ng mga establisimyento o kapag nasa outdoors.
Sa ilalim ng Executive Order No. 260-G na nilagdaan noong Setyembre 7, pinalawig pa ni Iloilo Gov. Arthur Defensor, Jr. ang COVID-19 Alert Level 1 status sa lalawigan.
Gayunman, sinabi ng gobernador na kinakailangan pa rin ang mga tao na gumamit ng face mask sa mga panloob o pribadong establisimyento. Dapat ding magsuot ng face mask ang mga tao tuwing nasa pampublikong transportasyon.
Hindi lang ang publiko ang tila may kumpiyansa at mas maganda ang pagtanggap sa aksyon ng Iloilo, kundi mismong ang kanilang konggresistang si Congresswoman Julienne “Jam Jam” Baronda. Timing na nga ang pagluluwag sa paggamit ng face mask sa kanilang probinsya.
Ani ni Cong. Baronda na hindi tumigil sa pagtrabaho at pagtulong noong kasagsagan ng CoVid, “Nagkaroon kami ng aggressive vaccination drive at talagang nakipagtulungan kami sa mga barangay officials upang makahanap ng mga solusyon sa mga problemang dala ng pandemya sa Iloilo. Hindi na kami naghintay na lumalala ang sitwasyon bago namin gawing accessible ang pagbabakuna sa Iloilo kaya dinamihan namin noon ang mga vax site sa paligid ng lungsod at sa mga shopping mall. Naging masinsinan ang local media campaign namin para maunawaan at pahalagahan ng mga tao ang halaga ng pagbabakuna.”
Dagdag pa ni Cong. Baronda, “Sa Iloilo City, nabakunahan namin ang higit sa 100% ng populasyon ng unang dalawang doses. (Noong Hulyo 25, 150% ang nagkaroon ng unang dose at 147% ang nagkaroon ng pangalawang dose, habang 46% ang nagkaroon ng unang booster shot). Binuksan namin ang Iloilo City para sa mga residente ng mga kalapit na bayan at ang mga probinsya para magpabakuna. Sa benchmark na itinakda ng ibang mga bansa na nagbakuna sa karamihan ng kanilang populasyon at hindi nangangailangan ng paggamit ng face mask sa labas ng bahay, maaari na rin natin itong ipatupad.”
Habang patuloy ang panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at patuloy na pagsunod sa mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng CoVid, ang mga hakbang na kapareho ng isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo ay nagbibigay pag-asa na unti-unti man ay bumabangon na rin ang bansa mula sa pandemya. Sa ngayon, ugaliing sumunod sa mga mungkahi ng mga eksperto upang hindi maudlot ang pagbangon na ito.
Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.