ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 08, 2022
Sa loob ng ilang araw, lumundag mula daan-daan hanggang libu-libo ang tinamaan ng Omicron variant na matagal na nating pinangangambahang umabot sa ating bansa.
Hindi rin nagkulang ang inyong lingkod sa pagbibigay ng mga paalala at babala na sundin ang mga itinakdang health at safety protocols para sana hindi na dumami pa ang mga kaso kung sakali mang dumating na ito sa bansa, subalit ngayong narito na ang kinatatakutang Omicron, ano ang dapat nating gawin habang kabi-kabila ang mga nagkakasakit?
Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa nakakapagpabakuna sa maraming kadahilanan. Maaaring dati ay takot sa epekto ng bakuna o may ilang hindi naniniwala rito. Subalit, kailangan ding ikonsidera na marami ang walang kapasidad o panahong magtungo sa vaccination sites.
Kaya naman bilang tugon, tunay na napapanahon ang tips ni Quezon City District 2 Councilor Winnie Castelo na tumatakbo rin bilang Bise-Alkalde ng QC, na ilunsad agad ng pamahalaang panlungsod ang pagbabakuna sa bahay-bahay laban sa COVID-19 at ang highly transmissible variant omicron.
“Hanapin natin ang mga residenteng hindi pa nabakunahan sa pamamagitan ng pagkatok sa kanilang pintuan at mag-alok sa mga gustong magpabakuna upang matulungan silang protektahan ang kanilang sarili sa virus,” aniya.
Dagdag pa ni Castelo, “Ang iba ay naghihintay na makuha ang bakuna na kanilang pinili, habang ang mahihirap ay walang access sa internet o kung mayroon man, ang kanilang signal ay mahina, na nagpapahirap sa kanila na magrehistro online para sa pagbabakuna.”
Tumbok ito ni Castelo dahil tayo mismo ay may mga kakilala at matagal nang tinutulungang senior citizens sa Batasan na walang access sa internet at hindi marunong mag-online registration.
Marami pa rin sa atin ang nagkukumahog makahuha ng schedule para sa ikatlong bakuna o booster shots na kinakailangan bilang dagdag-proteksiyon laban sa COVID-19.
Isa rin ito sa suhestiyon ni Castelo na dapat umanong targetin ng pamahalaang lungsod ang mga ganap na nabakunahan na naghihintay ng kanilang booster shot.
“Ang iminungkahing pagbabakuna sa bahay-bahay para sa parehong hindi nabakunahan at ganap na nabakunahan na naghihintay ng kanilang karagdagang dosis ay mabisang paraan upang malaban ng mga tao ang Omicron, na ngayon ay bumubuo ng karamihan sa mga kaso ng COVID-19,” diin niya.
Kasabay nito, hinimok ni Castelo ang Department of Health (DOH) na bigyan ang pamahalaan ng lungsod ng sapat na supply ng bakuna na mas mataas ang take-up o mas malawak na pagtanggap.
“Let’s face it, natural na ginusto ng mga tao ang mga bakuna na may mas mataas na bisa.
Ang DOH ay naglabas ng listahan ng mix-and-match na bakuna at ang mga tao ay malayang pumili kung aling tatak ang sa tingin nila ay mas makakapagprotekta sa kanila,” aniya.
Dapat aniyang alam nang pamahalaang lungsod sa ngayon kung aling mga bakuna ang pipiliin ng karamihan sa mga residente at dapat humingi ng sapat na suplay sa DOH.
Ano ang tingin n’yo sa panukalang ito? Sa wari natin ay swak na swak ang mga tips ni Castelo, at sa totoo lang, dapat sana matagal na itong ginagawa ng LGUs upang tuluyang mawaksi ang pandemya sa bansa, lalo na sa mga lungsod na malalaki ang populasyon tulad ng QC, kung saan may halos tatlong milyong residenteng nakatira rito.