ni V. Reyes | July 2, 2020
Ipinapanukala sa Kamara na maamiyendahan ang ilang probisyon ng Family Code of the Philippines upang payagan ang virtual wedding ceremonies ngayong may COVID-19 pandemic.
Sa House Bill 7042 ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo, nais nitong maisama ang virtual presence sa legal na kahulugan ng terminong presence at personal appearance na itinatadhana ng Family Code.
Sa ngayon kasi ay kailangang personal na humarap ang magiging mag-asawa sa isang solemnizing officer na maaaring pari o religious leader para ideklara ang kanilang malaya at taos-pusong kagustuhan na magsama.
Pero dahil may pandemya, sinabi ni Salo na maraming magkasintahan ngayon ang ipinagpapaliban o hindi na itinutuloy ang kasal dahil sa pagbabawal ng mass gatherings at sa pagsunod sa physical distancing.
Solusyon aniya ang virtual wedding o ang pagkakasal gamit lang ang video conferencing technology na ginagawa na rin naman sa ibang mga bansa.
Sa panukala nito, magsasama sa isang lugar ang ikakasal pero ang kanilang presensiya sa solemnizing officer ay pupuwedeng remote o virtual. At kahit virtual, dapat ay mapayagan pa rin na maiparehistro sa local civil registry at ituring na legal ang kanilang kasal.