ni Zel Fernandez | April 25, 2022
Malugod na ibinalita ng pamahalaan ang naging pagbilis umano ng internet speed sa Pilipinas sa isinagawang pag-aanalisa nitong nakaraang Marso.
Ayon sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index, naitala na mula sa 49.10Mbps noong Pebrero ay umakyat sa 52.16Mbps ang fixed broadband median speed sa bansa nitong nakaraang Marso.
Sang-ayon ng gobyerno, indikasyon ito na bumubuti na ang internet speed sa ‘Pinas.
Paliwanag pa sa detalye ng naturang report, ang latest download speed ay kumakatawan sa 6.23% month-to-month na pagtaas ng speed para sa fixed broadband, habang ang average download speed para sa fixed broadband ay naitala sa 83.37Mbps.
Dagdag pa rito, bumilis din umano ang mobile median speed sa download speed na 19.38Mbps mula sa 18.79Mbps noong Pebrero.
Batay sa report, ang latest median download speed ay kumakatawan sa 3.14% month-to-month na pagtaas ng speed para sa mobile, habang ang average download speed ay naitala sa 45.48Mbps.
Matatandaang nauna nang nagbigay ng mahigpit na direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units na pabilisin ang pag-iisyu ng permit sa mga telecommunications companies (telcos) upang agarang maitayo ang mga cellular towers at fiber optic network na kinakailangan sa pagpapalakas ng kanilang serbisyo at koneksiyon sa mga kliyente nito sa bansa.