ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 18, 2022
Axie Infinity, Mobile Legends, Roblox at Fortnite. Ilan lang 'yan sa mga sikat na games na kinahuhumalingan ng kabataan ngayon. Maraming nalululong sa online games, tulad ng mga ito dahil nagiging bahagi ang mga players sa makatotohanang pantasyang inaalok ng mga games. Noong 2020, ang Mobile Legends na lang ay nagkaroon ng mahigit 1 bilyong pag-download ng laro, na may mahigit 100 milyong rehistradong users at 25 milyong buwanang aktibong users sa Pilipinas.
Hindi na nga maikakaila ang engganyo ng uri ng teknolohiyang nasa likod ng mga makatotohanang online games. Ngunit ang games ay isa lamang aspeto ng mas malaking teknolohiyang kung tawagin ay metaverse. Isa pang saklaw ng metaverse bukod sa mga realistic online games ay ang mga bitcoin o ang digital na pera o kung tawagin at digital currency. Hindi na rin ito bago sa pandinig dahil madalas na lumilitaw ang mga imbitasyong mag-invest sa bitcoin sa comment sections sa mga social media posts. Maraming text messages din mula sa mga hindi rehistradong numero na nag-iimbita sa iyong mamuhunan sa bitcoin para yumaman.
Sa madaling salita, ang metaverse ay virtual na mundo na gumagaya sa totoong mundo at nagbibigay-daan sa mga users na maging bahagi nito sa pamamagitan ng mga virtual reality (VR), augmented reality (AR), artificial intelligence (AI), social media at digital currency.
Kung noon ay sa mga pelikula lang, tulad ng Wall-E, the Matrix at Total Recall lang natin napapanood ang ganitong ka-high tech na konsepto, buhay na buhay at totoong totoo na ang Metaverse. Sa patuloy na pagsikat ng teknolohiyang Metaverse, inaasahang hindi na lamang sa games o bitcoin ito mas makikilala. Sa katunayan, naiulat na ang South Korea ay namuhunan ng higit sa $177.1 milyon sa metaverse na teknolohiya.
At dahil hindi nagpapaiiwan ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-aktibong bansa sa paggamit ng internet, ipinasok ng maabilidad na grupo ng mga negosyanteng Pinoy sa pangunguna ni Marcus Ramos ang big time na Koreanong teknolohiyang ito sa Pilipinas.
Nangangako ang Metavity Philippines Corporation na maghatid sa bansa ng advanced na 3.0 na bersyon ng platform at mga solusyon sa software na kapanapanabik na mga inobasyon sa digitization. Ito ang kauna unahang maghahatid ng e-government sa Pilipinas.
Kamakailan lang ay personal na nagtungo ang Chief Executive Officer ng Metavity na si Ryan Byun sa 'Pinas upang ipaliwanag kung paano makakatulong ang nasabing teknolohiya sa ating bansa upang maitulak na mapabilang tayo sa top 10 na digital na kapangyarihan sa ika-21 siglo. Aniya, malaki ang magiging ambag sa “digitalization thrust” ng kasalukuyang administrasyong Marcos. Una sa lahat, hangarin ng Metavity na mapataas ang computer literacy rate sa Pinas. Kasabay nito ang pagsulong sa mas mabilis na sistema ng mga WiFi at CCTV.
Kung mabibigyan ng pagkakataon at sapat na suporta ang makabagong teknolohiya, makakatulong din ito di-umano sa iba’t ibang sektor kabilang na ang edukasyon, kalusugan, disaster preparedness at mga negosyo.
Sa katunayan, maging ang isa sa pinakamalalaking kompanya sa mundo na nagbebenta ng mga gamit, ang Amazon ay gumagamit na ng Metaverse. Maaari na halimbawa magsukat online ng mga damit ang kanilang mga customers kahit na saang lupalop ng daigdig bago magbayad sa checkout.
Ang mga mag-aaral sa unibersidad ay maaari nang kumuha ng online na mga pagsusulit na kinikilala ng gobyerno at mga certified courses ayon sa requirements ng mga kompanyang pag-aaplayan ng trabaho.
Sa usaping pangkalusugan, ang metaverse ay makakapag bigay-daan sa mas pinadali at pinaiging online consultation sa mga doktor. Bukod dito, may mga high tech na solusyon ang makabagong teknolohiya pagdating sa trabaho, lalo na kung work from home ang siste ng kompanya. Maaari nang lumikha ng mga mas makatotohanang digital workspace na ayon sa real time. Hindi na rin malayong magkaroon ang mga empleyado ng virtual counterparts na maaaring humalili sa kanila sa mga meeting kung kinakailangan nilang mag-absent o kung nasa ibang bansa man sila. Parang 'yung mga napapanood lang natin dati sa mga pelikula na may sumusulpot na mga imahe ng tao sa isang spaceship sa kalawakan!
At dahil isa ang Pilipinas sa tinaguriang disaster prone countries sa buong mundo, makakatulong ang Metavity sa disaster response ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang online trainings na sertipikado ng International Organization for Standardization (ISO).
Maaari ring magbigay-daan ang metaverse sa mga mas malikhaing paraan ng komunikasyon para sa mga nasa LDR o long distance relationship.
Sa ngayon, iilan pa lang ang lubusang nakakaunawa sa Metaverse. Sa kabaguhan ng teknolohiyang ito, hindi pa rin lubusang maarok ang mga epekto at benepisyo nito sa lipunan, subalit parami na nang parami ang mga gobyerno sa mundo ang namumuhunan na rito. Kung ayaw nating mapang-iwanan sa hindi na maikakailang digitalization ng ibang bansa patungo sa pag-unlad, panahon na ring mas masusing pag-aralan ng ating mga lider kung paano susuportahan at lubusang gamitin ang mga makabagong teknolohiya pumapasok sa bansa tulad ng Metaverse.
Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.