top of page
Search

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 26, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Ayon sa kasaysayan ng mundo, may panahon na ang tao ay hindi isinasabuhay ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions” dahil sa takot sa Simbahan at mga hari ng kanilang lupain.


Bawal magtanong ng kahit ano, lalo na ang mga tanong na may motibong baguhin ang mga utos, aral at tradisyon na itinuro ng Simbahan.


Lahat ay kailangang sumunod dahil ang sinumang susuway ay hindi makatatanggap ng bendisyon. Gayundin, idedeklarang kalaban ng Diyos at Simbahan ang mga taong nagtatanong tungkol sa pinaiiral na patakaran ng Simbahan.


Okey naman ito para sa mga pangkaniwang tao dahil basta kumain lang naman sila ay masaya na ang kanilang buhay, gayundin, masaya na rin sila sa pag-ani ng kanilang mga tanim, kumbaga, ang lahat ay inaasa nila sa kapangyarihan ng Simbahan. Ang kapangyarihang ito ng Simbahan, ayon mismo sa kanila ay kaloob ng Diyos.


Umaasa ang lahat sa Simbahan—sila ang magsasabi kung kailan ang panahon ng pagtatanim at pag-aani. Rito nagsimula ang tinatawag na fiesta kung saan ang Simbahan din ang magsasabi ng kung ano ang petsa ng pista.


Ang pagdarasal ay kontrolado rin ng Simbahan. Ang mga letra o salita ay hindi puwedeng baguhin o palitan ng mga tao, kumbaga, kung ano ang dasal sa bawat araw o panahon, Simbahan ang magdedeklara. Maging kung kailan ang tamang oras ng pagdarasal ay Simbahan din ang masusunod.


Muli, ang sumuway ay tatawaging kalaban ni God at Simbahan. Tulad ng nabanggit sa nakaraang isyu, ito ang panahon ng Dark Ages kung kailan bulag ang tao at sila’y nabubuhay sa kamangmangan at masasabing nawala sa tao ang kanyang buhay dahil siya ay tagasunod at alipin ng Simbahan.


Sa mga bansang monarkiya naman na hari ang bida ay ganundin. ‘Ika nga, “Ang salita ng hari ay hindi mababali,” sikat ang mga salitang ito at hanggang ngayon ay maririnig pa rin naman natin na sa panahon ng monarkiya ito nagsimula.


Takot na takot sa hari ang mga tao dahil pupugutan ng ulo ang hindi susunod. Kung hindi naman, sila ay ikukulong at ang iba ay ipapakain sa mga leon.


Kahit hirap ang mga tao, nagbabayad sila ng buwis sa hari at ang hindi makapagbabayad ay kukunin ng hari ang mga lupain. Ang lupang nakuha ay mapupunta sa mayayamang malapit sa hari o kaibigan nito. Kaya rito na rin nagsimula ang feudalismo kung saan iilan lang ang may-ari ng malalawak na lupain.


Sa hanay naman ng mga siyudad na walang sakahan o taniman, ang mga negosyong hindi makakabayad ng buwis ay kukunin ng hari ang kanyang negosyo at mapupunta naman sa mga malalapit sa hari ang mga ito. Rito nag-ugat ang kaisipan na kung tawagin ngayon ay oligarchy kung saan ito ang mayayamang negosyante na nababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sila ang may kontrol ng ilang mahahalagang sektor ng lipunan.


Nagustuhan naman kaya ni God ang nangyayari ito sa panahong ang tao ay bulag, walang dignididad at nawala ang pagiging tao ng tao?

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 24, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Sa nakaraang isyu, naitanong natin, minsan bang ang mga tao sa mundo ay hindi alam ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions,” kung saan sila ay alipin lang at walang karapatan magtanong? Taga-sunod lang ba sila at hindi puwedeng magbigay ng sariling opinyon?


May panahon ba sa kasaysayan na ang tao ay nawala ang pagiging tao, kumbaga, ang kanyang dignidad at dangal ay nawala rin, ang kanyang kalayaan at personal na karapatan ay wala sa kanya?


Ito ang panahon ng monarkiya at panahon na ang naghahari ay Simbahan. Tinatawag ito sa kasaysayan na “Dark Ages.” Kung ano ang sabihin ng Simbahan, ‘yun ang katotohanan at kung ano ang idikta nito, kailangan itong sundin ng mga tao. Ang umangal ay hindi makakapasok sa kaharian ng langit, kumbaga, sa impiyerno ang destinasyon ng mga susuway at kukuwenstiyon sa kagustuan ng Simbahan.


Okey lang sana kung hindi sa langit mapunta o impiyerno ang lugar para sa kanila dahil ito ay mangyayari pa lang naman kapag sila ay namatay.


Ang napakasakit ay ‘yung ang buhay pa sila at kapag sila’y palatanong, idedeklara silang mga rebelde, kusa silang iiwasan na para bang sila ay may nakakahawang karamdaman. Mawawalan sila ng mga kaibigan at mahal sa buhay.


May mga bansa naman na ang naghahari ay ang monarkiya kung saan hari mismo ang masusunod at ang mga tao ay alipin at tagasunod lang at parurusahan ang susuway sa utos ng hari. May pagkakataong ipapalamon pa sila sa gutom na mga leon.


Marami ang ikinukulong sa kulungan ng kadiliman. Ang kadiliman ay hindi sa kadiliman sa hell kundi sa iisang selda na hindi napapasok ng liwanag. Ang nakakatakot pa ay nakakulong na nga, nakakadena pa ang mga paa at kamay.


Marami rin ang ipinatapon sa isang lugar kung saan walang pagkain, tao at ang makakasalumuha lang ay ang mababangis na hayop.


Sa pangalan pa lang, talagang madilim ang naging kalagayan ng mundo dahil ito ay tinatawag na “Dark Age.” Sa Dark Age, ang mga tao ay nabubuhay sa kamangmangan, hindi marunong bumasa at sumulat ang mga tao, kaya masasabing nawala ang kanilang pagkatao at natulad sila sa mga hayop na hindi rin marunong magbasa at magsulat.


Ang lahat ay naghahanapbuhay, hindi para sa kanilang sarili kundi para sa monarkiya, hari at Simbahan. May natitira man sa kita ng kanilang pagtatanim, ang mga ito ay sapat lang para sa kanilang mga pagkain at personal na pangangailangan.


Ang malaking bahagi ay mapupunta sa hari at Simbahan. Ang masaklap pa ay sa hanay ng mga angat sa buhay, angat lang sila dahil dumidikit sila sa mga namumuno sa kaharian at Simbahan, pero ang kanilang mga ari-arian o lupa ay pag-aari ng kanilang dinidikitan.


Kaya kung susumahin, sa kalagayan ng mga tao sa panahon ng Dark Age, ang sinabi ni Einstein “Do not be afraid to ask questions” ay hindi umiiral. Ang tao ay hindi tao dahil nawala ang kanilang pagkatao.

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 21, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy ng pagtalakay sa mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Sa larangan ng medisina, gamit na gamit ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions,” dahil tanggap ng mga dalubhasa na sa pamamagitan nito, nakakatuklas ng mga gamot at paraan para matulungan ang mga nagkakasakit.


Kumbaga, hindi humihinto ang mga eksperto sa paghahanap ng lunas o gamot sa mga karamdamang dumadapo sa tao. May ilang doktor na ayaw na ng mga katagang ito at sila ang mga doktor na papalaos na tulad ng mga halaman na hindi na lumalago.


Ang “Do not be afraid to ask questions,” ay katumbas ng “Keep on learning” dahil ang mundo ay isang malaking eskuwelahan na nagsasabing hindi sa paaralan natatapos ang pag-alam ng mga karunungan at bagong kaalaman.


Mayroon ding ilan na isinabuhay na sapat ang natutunan sa loob ng silid-aralan kaya ayaw na ng katagang ito at sila ang mga taong papaurong.


Alalahanin natin na kaya papaunlad nang papaunlad ang mundo ay dahil sa sinabing ito Einstein na niyayakap ng mananaliksik at manunuklas. Kaya kapag wala ito sa buhay, isip at puso nila, ang mundo ay walang pag-asenso.


Hindi naman para lang din sa mga mananaliksik at manunuklas ang magtanong nang magtanong dahil kahit naman sa isang tao, napakahalagang sikreto ito ng pagkakaroon ng progreso.


Sa totoo lang, ang mga taong naging matagumpay, ito ang kanilang isinabuhay. Sila rin na kasalukuyang nagtatagumpay ngayon, kapag sila ay ating tinanong, ang sasabihin nila na ang sinabing ito ni Einstein ang gumabay sa kanila kaya patuloy silang tumatamasa ng tagumpay.


Kaya hindi naman mahirap malaman kung sino ang magkakaroon ng successful life, dahil sino pa nga ba ang mga ito kundi ang taong palatanong.


Sino naman ang mga bigo sa buhay? Sino pa nga ba kundi ang hindi na nagtatanong.

Sino kaya ang mabibigo pa lang? Eh, ‘di ang mga ayaw magtanong.


Tulad ng nasabi na, ang sinabing “Do not be afraid to ask questions,” ang nagdala sa mundo kung saan tayo nananatili ngayon na ang lahat ay moderno na.


Mayroon ba sa kasaysayan ng mundo na ang tao ay hindi naisabuhay ang mga katagang ito?


Nangyari ba sa ating kasaysayan kung saan ang tao ay ayaw magtanong, na ang pagtatanong ay kanilang kinalimutan, na kung ano sila ay ‘yun na sila, na sila ay nabubuhay lang dahil sila ay tao pero hindi nagtatanong?


Kung mayroon, kailan ito nangyari? Ano ang kanilang naging sitwasyon? Gayundin, paano naging moderno ang mundo kung saan ang mga tao ay inasabuhay ang “Do not be afraid to ask questions”?


May kinalaman kaya sa kasaysayang ito ng mundo ang kasaysayan ng medisina, sakit, salot at kamatayan?


Totoo bang nagalit si God dahil ang mga tao ay hindi na isinabuhay ang mga salitang ito?


Ito ang ating pag-uusapan – ang kasaysayan ng tao na may kaugnayan sa nararanasan natin ngayon kung saan milyun-milyon na ang nagkakasakit at patuloy ang paglobo ng bilang ng mga namamatay.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page