top of page
Search

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| September 4, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Tulad ng nasabi sa nakaraang isyu, dumating sa mundo ang salot na tinawag na Black Death. Nang mga panahong ‘yun, inakala ng tao na sapat ang karunungan at kaalaman ng mundo para labanan ang anumang darating na pinsala sa kanila.


Inakala rin nila na ang tao ang pinakamakapangyarihan, pinakamalakas at nasa rurok ng kapangyarihan, pero nang dumating ang Black Death, ang mga marunong, maalam, dalubhasa at makapangyarihan ay takot na takot.


Kahawig ng COVID-19 ang mga sintomas nito, hindi eksaktong katulad, pero ang ilang sintomas ay hindi nagkakalayo. Halimbawa, lagnat, chills, pagsusuka, pagtatae, sakit ng katawan o masel at biglaang kamatayan.


Tulad ng COVID-19, baga o lungs ang masisira kaya namamatay ang may sakit.


Base sa report ni Giovanni Boccaccio, isang manunulat sa pahayagang “The Petrarch”, sobrang nakakatakot ang salot at mabilis na nakahahawa. Sabi pa niya, mahahawa agad ang tao kahit sa simpleng paghawak sa damit. Sinulat din niya na kapag natulog ang malulusog na tao, maaaring kinabukasan ay may sakit na ito.


Hindi nagtagal, pagkatapos dumaong ng mga barko kung saan ang mga marino ay may sakit, kumalat ang Black Death sa France, Tunisia. Nahawahan din ang mga taga-Rome at Florence, Italy. Gayundin, hindi nakaligtas ang Paris at London.


Lahat ng bansa mundo nang panahon na ‘yun ay inatake ng Black Death, kumbaga, walang nakaligtas sa mundo dahil ang lahat ay may mikrobyo ng nasabing sakit.


Ang karunungan ng tao sa panahong ‘yun ay no match sa salot. Ipinagbawal din noon ang mass gathering at pinaiiral ang social distancing tulad ng ginagawa natin ngayon.


Bawal din ang handshake o paghawak sa anumang bahagi ng katawan at damit ng mga tao, may sakit man o wala. May facemask din at bawal ang hindi nakasuot nito.


Bawal ding lumabas ng bahay, mag-travel at wala ring trabaho noon dahil ang mga kumpanya ay kusang nagsara. Nawala rin ang mass transport—walang air at sea travel.


Ang lahat ng kautusang ito ay wala rin namang nagawa para talunin ang salot. Parang tulad ngayon na walang epekto ang mga ginagawa natin para labanan ang COVID-19.


Ang masaklap pa, ang nag-uutos na sundin ang mga ito ay tinamaan na ng sakit, kaya tumatak sa kaisipan ng mga tao na kung ang nag-utos ay nagka-COVID-19, ibig sabihin, hindi epektibo ang protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, palaging paghuhugas ng mga kamay at social distancing. Kumbaga, bakit mo susundin ang nag-uutos, eh, mukhang siya ang hindi sumunod sa kanyang utos?


Samantala, may mga personal na testamento o patunay na sila ay gumaling sa pamamagitan ng paliligo o pag-inom ng vinegar o suka.


May mga nagpapatunay din na sa pamamagitan ng pagpapausok ng mga herbs sa bahay at katawan ng tao ay nagsigaling sa sakit. Maririnig din noon ang maugong na balita na ang paliligo sa rose water ay nakapagpapagaling.

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| September 2, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Paulit-ulit lang ang kasaysayan at sabi nga, “history repeats itself.” Makikitang tuwing ang mga tao ay naaalipin, nagpapadala ng salot si God. Ito ang makikita sa kuwento ng dakilang propeta na si Moses at ang hari ng Ehipto na ayaw palayain ang mga kababayan ni Moses.


Sinabi ni Moses, kung patuloy n’yong gagawing alipin ang mga tao ni God, padadalahan kayo ng salot. Hindi naniwala ang hari kaya ang nangyari, ang buong Ehipto ay dinalaw ng salot.


Sa panahon ng Dark Ages ay ganundin. Ang mga tao ay alipin ng Simbahan at monarkiya kung saan nawala ang dignidad ng tao at masasabing hindi na siya tunay na tao. Sila ay mga bulag at tagasunod ng Simbahan at hari kung saan sila rin ang may-ari ng malalaking lupain at negosyo.


Ang humihiling ng kalayaan ay pinarurusahan at ang ayaw nang maging alipin ay lalong inaapi. Walang magawa ang mga tao kundi mabuhay nang alipin kahit ayaw nila.


Sa ganitong sitwasyon, dumating sa mundo ang isang salot na kung tawagin ay “Black Death”. Ito ay isang epidemya na umatake sa Europe at Asia. Una itong dumating sa Europe noong October, 1347 nang ang labing-dalawang barko mula sa Black Sea ay umangkla sa Sicilian Port of Messina.


Masayang sinalubong ng tao ang mga barko, pero ang kanilang saya ay napalitan ng sobrang takot. Halos lahat ng sailor ay patay at ang mga nakita nilang buhay pa ay grabe ang sakit, dumadaing at nagmamakaawa dahil ang buong katawan nila ay punumpuno ng bukol na parang pigsa na malalaki at maliliit.


Lumalabas sa parang pigsa ang mga nana o pus na umaagos na may kahalong dugo. Iniutos ng mga awtoridad na alisin sa pier ang mga barko, pero huli na dahil sa sumunod na mga taon, ang Black Death ay pumatay ng mahigit 20 milyong tao sa Europe at katumbas ito ng 1/3 ng populasyon sa nasabing kontinente.


Ang totoo, hindi pa man dumadaong sa Sicilian Port ang mga barko, nakaririnig na ng mga balita na tungkol sa “Great Pestilence” na nakamamatay at nananalansa sa ruta ng trading o ruta ng komersyo sa Near East and Far East at nakapaminsala na sa China, India, Persia, Syria at Egypt.


Ang Great Pestilence na ito ay ang Black Death.


Ang Europe ay hindi nakahanda sa ganitong salot, wala silang kakayahan kahit na ang mga bansa rito ang sinasabing pinakamayaman. Ang mga taga-Europe na akala nilang nabubuhay sa kalinisan ay hindi pa nakakikita ng ganito kaduming karamdaman.


Sa una, may kaunting pamamaga na pamumula sa balat, singit at kilikili na lumalaki ng halos kasing-laki ng pangkaraniwang mansanas. Ang iba ay kasing-lalaki ng itlog.


Ang iba ay marami na makikita sa iisang tao, sa iba naman ay kaunti lang pero hindi umaabot sa sampu.


Kumikintab ito at tulad ng pigsa na kapag nahinog ay kusang lumalabas ang pus o mga nana. Natakot din ang mga doktor dahil marami sa hanay nila ang nabiktima ng epidemya.


Tulad ng nararanasan natin sa COVID-19 pandemic, maraming mga doktor at nurses ang mga tinamaan ng sakit at namatay.

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 31, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Nabanggit natin sa nakaraang isyu na may panahon sa kasaysayan ng mundo na ang mga tao ay bawal magtanong kaya ang mga katagang “Do not be afraid to ask questions,” na nagdala kay Albert Einstein sa rurok ng kadakilaan ay hindi magawa ng mga tao.


Ito ay naganap noong Dark Ages kung saan ang mga tao ay sobrang naghihirap, nag-aaway, nagpapatayan at walang kasiguraduhan ang kinabukasan. Sa panahong nabanggit, Simbahan lang ang nasusunod at sa ibang lugar naman ay mga monarkiya ang naghahari.


Ang mga patayan ay ang labanan ng mga Muslim at Kristiyano na ang layunin ay malaman kung sino ang maghahari sa lugar kung saan isinilang si Kristo. Ito rin ang panahon ng crusade na ang mga kabalerong Kristiyano ay lulusob sa mga Muslim at ang mga Muslim naman ay hindi magdadalawang-isip na labanan sila.


Muslim man o Kristiyano, ang naganap ay patayan ng magkakapatid dahil ang dalawang pangkat ay kapwa-tao.


Dahil nakatutok ang Simbahan sa nasabing labanan, napabayaan na ang agrikultura dahil ang mga lalaking magsasaka ay sinasanay sa pakikipaglaban. Napabayaan din ang kabuhayan o ekonomiya dahil ang ginagastusan ay giyera at hindi ang pagpapaganda ng ekonomiya.


Sa ganitong kalagayan, sobrang dami ng naghirap at sinamantala naman ng mga may-kaya at mayayaman na ang lupang sakahan ay nakasanla sa kanila at ang aanihin ay sa kanila rin mapupunta.


Nakatutuwa dahil ito rin ang kalagayan ng mga magsasaka sa atin ngayon, sakahan man ng palay, kopra at sugarcane, parang walang nagbago sa takbo ng mundo dahil ang nangyari noon ay nangyayari pa rin ngayon.


Sa kabilang banda, ang mga lugar kung saan hari ang namumuno, sa takot sa mga Muslim na sila ay lusubin ay nagpalakas din ng mga puwersa. Sila ay nag-ipon ng mga sandata at tinibayan ang mga entrada ng kaharian. Nagdagdag din sila ng mga sundalo at nag-ipon ng mga pagkain sa palasyo. Kaya ang mga pangkaraniwang tao na naman ang nagdala ng hirap dahil ang mga buwis at ani ay napupunta sa hari.


Ang mga tao kumakapit na lang sa dasal, pero ang dasal nila ay ang idinikta ng Simbahan kung saan hindi puwedeng palitan ang mga letra o salita dahil kapag sinuway ito, siya ay mapagbibintangang nagrerebelde sa Simbahan. Pati ang oras kung kailan dapat magdasal ay idinidikta rin ng Simbahan.


Sa mga kaharian naman, ang mahuling nag-iimbak ng mga pagkain ay parurusahan sa harap ng mamamayan upang hindi tularan.


Pero ang nakapagtataka, halos lahat ng tao ay masunurin, kumbaga, umaasa sila sa power of the church na ang Simbahan ay magliligtas sa kanila sa sakit, gutom at kamatayan. Ganito rin ang naging kalagayan sa mga kaharian na ang mga tao ay umaasa sa kapangyarihan ng hari na hindi sila pababayaan.


May isang pangyayari na dumating sa mundo na kung tawagin ay “the last straw” na gumising sa kamalayan ng tao, pero ang naging kapalit ay namatay muna ang kahalati ng populasyon sa Europe bago ang pagkamulat ng kaisipan ng mga tao.


Ang dumating sa mga tao ay maituturing na salot o pandemya na nasa uri ng COVID-19.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page