top of page
Search

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| November 30, 2020



Bigyang-daan natin ang e-mail ni Cathy ng Pasig City.

Dear Señor,


Paano malalaman kung babae o lalaki ang magiging anak? Bagong kasal kami ng asawa ko noong Oktubre lang. Gusto ng mister ko na lalaki ang una naming anak, pero ang gusto ko ay babae. Kaya madalas ay nagtatalo kami kahit hindi pa ako nabubuntis. Ano ang maipapayo n’yo sa amin?


Naghihintay,

Cathy


Sa iyo, Cathy,


Sa mga babae, maraming level of life ang kanilang pinagdaraanan. Ang una, nang sila ay maging dalaga at dahil dalaga na sila, kailangan nilang magka-boyfriend, kaya sobrang lungkot ng mga dalagang hindi pa nararanasang magkaroon ng kasintahan at sobrang ligaya naman ng babae kapag siya ay nagka-boyfriend na.


Pagkatapos ng pagiging magkasintahan, ang promise to marry or proposal for marriage ay isang mahalagang pangyayari sa kanilang buhay dahil dito, ang mga babaeng hindi pinangangakuan ng kasal ay may malalim at lihim na lungkot sa kanilang buhay.


Kapag ikinasal, kailangang magkaanak ng babae dahil ang completeness of womanhood ay ang pagkakaroon ng baby o anak.


Sa ngayon, umabot na sa ganitong level ang buhay mo kaya walang pagsidlan ang ligaya mo, pero kailangan mo ring magkaanak nang sa gayun ay maramdaman mong ikaw ay ganap na babae.


Anuman ang ipagkaloob ng langit sa inyo ng asawa mo, ipagpasalamat mo dahil ang bawat anak ay tinatawag na “Gift from God”.


Ganito ang batayan sa pagbubuntis ng isang babae:


Kapag nagtalik bago ang ovulation o pangingitlog ng babae, malamang na babae ang magiging anak. Kapag naman nagtalik pagtapos lumabas ng egg ng babae, malamang na lalaki ang magiging anak. Kaya kung gusto mong magka-anak ng babae, bago ka mangitlog ay dapat magtalik kayo ng asawa mo.


Madali lang, ‘di ba? Pero sa totoo lang, mahirap itong magawa ng mag-asawa dahil ang pagtatalik, lalo na kung magkasama sa bahay ay hindi nakokontrol dahil ang love nila ay nadarama sa bawat sandali.


Pero kung desidido ka na babae ang gusto mong maging anak, disiplina ang kailangan mo kung saan magtatatalik kayo ng mister mo bago ang mismong araw ng iyong ovulation o paglabas ng iyong egg cell.


Muli, babae ang magiging anak n’yo kapag nagtalik kayo bago ang ovulation at lalaki kapag nagtalik after a day of ovulation.

Good luck and God bless!

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| November 22, 2020



Bigyang-daan natin ang e-mail ni Miss Taurus ng Dalandalan, Valenzuela City.

Dear Señor,


Ako ay 28-anyos na, gusto kong malaman kung ano ang magiging kapalaran ko sa love life? Minsan kasi aaminin ko, naiinggit ako sa iba dahil may boyfriend sila, tapos ‘yung ibang officemate ko, may masayang pamilya. Saan ko ba matatagpuan ang aking life time partner? May 2, 1992 ang birthday ko.


Naghihintay,

Miss Loveless

Sa iyo, Miss Loveless,


Alam mo, iha, ang nakikita ng ating mga mata minsan ay hindi ang tunay na larawan ng isang bagay o pangyayari dahil ang mga nakikita lang naman natin ay ang panlabas na larawan at hindi ang natatagong katotohanan.


Minsan, nakita natin na masaya ang dalawang nagmamahalan pero ang hindi natin nakikita ay nagkukuwanri lang ang isa kanila at may pagkakataon pa na silang dalawa ay parehong nagkukuwanri.


Minsan, nakakikita tayo ng akala natin ay matatamis na ngiti mula sa mga labi ng isang nagmamahal, pero ang hindi natin alam, sa likod pala ng kanyang mga ngiti ay mapapait na karanasan.


Minsan, nakikita natin na ang mag-asawa may magandang bahay, may mga sasakyan at mga kabuhayan, pero ang hindi natin nakikita ay isa sa kanila ay nagdudusa dahil sa kalungkutan.


Minsan pa nga, may mga nakikita tayong masayang-masaya sa harap ng mga tao, pero ‘pag nasa bahay nila, hindi naman pala gaanong nag-uusap na parang hindi magkakilala.


Ang mga ganitong relasyon ay masasabing mali at wala sa lugar dahil hindi rin naman nila nasunod ang dapat na dikta ng kanilang kapalaran. Pero kung hahayaan natin na ang kapalaran ang magdikta sa ating buhay, lalo na sa ating love life, tiyak na ang kaligayahan ay mapapasaatin.


Ang mga isinilang sa Earth Signs, tulad mo na nasa Taurus ay dapat maghintay, kumbaga, mas maganda na hintayin mo ang lalaking talagang para sa iyo. Ibig sabihin ng “maghintay” ay huwag kang maghanap. Oo, huwag kang maghanap dahil ang mapapangasawa mo ay kusang ilalapit sa iyo ng tadhana. Dahil din dito, makararanas ka ng kabiguan kapag nagpilit kang maghanap. Hindi rin ipinapayo na magmahal ka ng tao na nasa malayo. Kaya ang isa pang tiyak ay hindi rin maganda para sa iyo ay ang “long distance relationship.”


Ang isa pang ibig sabihin ng huwag kang maghanap at magmahal ng nasa malayo ay dapat malapit lang sa iyo ang iyong mapapangasawa. Ang una sa listahan ay ang inyong mga kapitbahay, kababata, sa kabilang kanto, ka-barangay, kasamahan sa trabaho at iba pa na malapit lang sa iyo.


Puwede ring mapangasawa mo ang iyong matalik na kaibigan, pero ang mga pangkaraniwang kaibigan ay hindi kasama sa listahan.


Puwede ka rin namang magmahal sa hindi binanggit sa unahan dahil ang pagmamahal, minsan ay mahirap pigilan. Ito ang tunay na dahilan kaya sobrang daming bigo sa love life.


Gayunman, bilang pagtatapat at payo sa iyo, kung sakaling hindi inaasahan na ma-in love ka sa mga hindi nabanggit sa itaas, ‘wag kang mawalan ng pag-asa dahil puwede pa ring magmahal muli. Kumbaga, kung makaranas ka ng masakit na kabiguan, alalahanin mong muli ang payo ng iyong Señor— ang dapat mong mahalin ay ang isang nilalang na “malapit” sa iyo.


Good luck and God bless!

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| November 08, 2020



Bigyang-daan natin ang kaalaman na magagamit sa pagbubukas ng mga business offices.

Pagkatapos magsara ng mga negosyo dahil sa COVID-19 pandemic, ngayon ay sabay-sabay na muling magbubukas ang mga opisina. Takot man ang mga tao, wala tayong magagawa kundi buhayin ang ekonomiya dahil kapag buhay at masigla ito, ganundin ang mga tao.

Sa negosyo, hindi puwedeng walang opisina, kaya maoobliga ang mga negosyante na magbukas din ng offices.

Narito ang ilang kaalaman para makabangon ang negosyo gamit ang tama at masuwerteng ayos ng mga opisina.

  1. Maglagay ng mga buhay na bagay at ang isa sa mga ito ay halaman. Kapag may bagay na buhay sa isang lugar, ang lugar mabubuhay. Kaya ngayon na muling bubuhayin ang mga negosyo, mas magandang maglagay ng halaman sa mga place of business, lalo na sa mga opisina.

  2. Dahil mas maganda ang may buhay sa loob ng opisina, puwede ring maglagay ng mga aquarium na may mga isda.

  3. Ang paglalagay ng munting water fountain ay isa ring napakagandang option. Ito ay dahil ang fountain na may tubig na dumadaloy o umaagos, ang tubig ay sinasabing “living water.”

  4. Maganda rin na may naririnig na musika sa loob ng opisina dahil ang nota ng mga musika ay mga buhay na tunog.

  5. Ang mga opisina ay dapat na may mga larawang pandekorasyon sa dingding. Ang mga larawan ay nagpapasigla sa mga nag-oopisina. Halimbawa nito ang magagandang bulaklak o ibon na lumilipad at iba pang mga hayop na nasa active mode.

  6. Puwedeng-puwede rin ang mga larawan na may mga aktibidad ng tao na may kinalaman sa pagpapaganda ng buhay o pamayanan. Halimbawa, nagtatanin ng iba’t ibang halaman o bungang kahoy.

  7. Puwedeng-puwede rin ang mga larawan na may kaugnayan sa harvesting o panahon ng pag-ani.

  8. Ang mga larawan na sentimental ay hindi dapat mailagay, ganundin ang mga larawang may kaugnayan sa romance o love ay hindi rin ipinapayo na ilagay sa mga opisina.

  9. Bawal ding maglagay ng mga iniidolong artista o mga sikat na tao na wala namang kinalaman sa line of business.

  10. Hindi rin dapat na mailagay ang mga senaryo kung saan may malungkot na kapaligiran.

Sa ngayon, magbubukas na muli ang mga opisina. Huwag na huwag mong kalimutan na dapat ay may bagong pintura ang opisina. Bagong bukas, bagong magandang kapalaran ang hatid ng mga kaalaman sa itaas.

Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page