ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 17, 2024
Photo: Philippine Women’s Futsal National Team
Mga laro ngayong Linggo – Philsports
4 PM Myanmar vs. Vietnam 7 PM Thailand vs. Pilipinas
Naniniwala ang beteranong coach ng Philippine Women’s Futsal National Team na hindi sukatan ng lakas ang FIFA Futsal World Ranking. Patutunayan ito ni Coach Vic Hermans at ng Pinay 5 ngayong Linggo pagharap nila sa paboritong Thailand sa ikalawang araw ng ASEAN Women’s Futsal Championship 2024 sa Philsports Arena simula 7:00 ng gabi.
Ayon kay Coach Hermans, pinapaboran ng sistema ang mga bansa na mas marami ang nilalarong torneo o kahit friendly. Sa mga nakalipas na taon, mabibilang lang ang mga laro ng Pinay 5 sa dalawang friendly laban sa Guam at isang maikling torneo kasama ang Indonesia at Aotearoa New Zealand.
Malaking hamon ang hatid ng mga Thai na #6 sa buong mundo kumpara sa #59 Pilipinas. Subalit masasabi na alam na alam ni Coach Hermans ang Thailand dahil nahawakan niya ito noon at nagabayan sa ilang kampeonato sa Timog Silangang Asya.
Nanatiling matatag si Coach Hermans sa kanyang patakaran sa pagpili ng manlalaro at mas gusto niya ang mga makakapagbigay ng sapat na panahon. Dahil dito, karamihan ng Pinay 5 ay galing sa mga paaralan at mga club sa Pilipinas.
May ilang mga matunog na pangalan galing sa Women’s Football Team Filipinas na nagsubok na maging bahagi ng Pinay 5.
Sa huli ay hindi sila naisama dahil maliban sa malayo ang pagkakaiba ng Football sa Futsal, naroon ang tanong kung ipapahiram sila ng matagal ng kanilang club sa pambansang koponan. Mahalaga talaga ang panahon at pagsapit ng Mayo ay kakailanganin na ng Pinay 5 ang 100% pagtutok ng mga manlalaro hanggang FIFA Women’s Futsal World Cup sa Nob. 21, 2025.
Nilinaw na ang 16 na maglalaro ngayon ay hindi nakakatiyak sa World Cup. Maghaharap ang Myanmar at Vietnam sa unang laro ng 4 p.m. Tinatapos ang laban ng Pinay 5 at Myanmar Sabado ng gabi.