ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 15, 2025
Photo: James Harden - L.A. Clippers / FB
Gumanap ng malaking papel si Jalen Green sa 120-118 panalo ng Houston Rockets sa Memphis Grizzlies sa NBA kahapon sa Toyota Center. Ito ay sa gitna ng pagbabalik ng mga laro ng Los Angeles Lakers at tagumpay ng L.A. Clippers matapos ang malaking sunog sa lungsod sa nakalipas na mga araw na dahilan ng pagliban sa ilang laro.
Tinumbasan ni Green ang kanyang personal na markang 42 puntos at ang huling buslo ang nagbalik ng lamang sa Rockets, 116-115, at 34 segundo sa orasan. Mula roon ay nagpasok ng tig-dalawang free throw sina Amen Thompson at Fred VanVleet upang makumpleto ang kanilang paghabol mula sa 87-100 maaga sa huling quarter.
Nagtala ng tig-23 sina Victor Wembanyama, Devin Vassell at rookie Stephon Castle at binigo ng San Antonio Spurs ang Lakers, 126-102, sa Crypto.com Arena. Ang laro ay kasabay ng seremonya ng pagretiro ng Lakers ng numero 21 para kay alamat Michael Cooper na naglaro mula 1978 hanggang 1990 at naging bahagi ng limang kampeonato.
Sa Intuit Dome, humarurot sa pangalawang half ang Clippers upang tambakan ang Miami Heat, 109-98. Double-double sina James Harden na 26 at 11 assist at Ivica Zubac na 21 at 20 rebound habang may 29 puntos si Norman Powell.
Impresibo si Cade Cunningham sa 36 puntos upang itulak ang bisitang Detroit Pistons sa malaking 124-119 panalo sa New York Knicks. Hindi pinapuntos ng Toronto Raptors ang Golden State Warriors sa huling dalawang minuto at bumuslo sina Chris Boucher at Ochai Agbaji upang maagaw ang 104-101 resulta.
Lalong ibinaon ng Minnesota Timberwolves ang kulelat na Washington Wizards, 120-106, sa likod ng 41 ni Anthony Edwards. Kung maganda ang laro ni “Antman” ay patuloy naman ang hindi magandang asal kaya pinatawan siya muli ng multang $50,000 (P2.93-milyon) bunga ng inasta sa mga reperi sa laro kontra Memphis.