ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 4, 2020
Sa pamamagitan ng kolum nating ito, tayo ay mananawagan sa ating mga kapwa COVID survivors na tumulong o umagapay sa mga kababayan nating nakikipaglaban ngayon sa COVID-19.
Tulad ng inyong lingkod, tayo ay masigasig na nagdo-donate ng ating blood plasma dahil ang ating antibodies bilang survivors ng COVID-19 ay makatutulong sa COVID-19 patients na makaligtas mula sa malubhang impeksiyon. Ang prosesong ito ay sa pamamagitan ng pagsailalim ng mga pasyente sa convalescent plasma transfusion.
Bilang isa sa mga survivors ng sakit na ito, ang pangunahing naisip nating paraan upang tumanaw ng utang na loob sa ating frontliners na nagsumikap na tayo ay maisalba ay ang pagpapalaganap ng donasyon ng blood plasma mula sa mga survivor ng sakit na ito.
Ang ating tanggapan, sa tulong ng Bacolod-based web developer na Talking Myna na siyang lumikha ng website na #PlasmaNgPagasa ay nagsulong nito upang manawagan sa iba pang COVID-19 survivors na magparehistro sa mga (you can privately register with) collecting hospitals. Magligtas tayo ng buhay ng ating kapwa.
***
Tulad ng mga nauna na nating nabanggit tungkol sa digital skills na tiyak na lolobo ngayon sa ating new normal, tayo ay may bagong panukala na naglalayong mapalawak ang sakop ng pagsasanay para rito.
Ang digital skills training, bagaman naaayon sa kaalamang teknolohikal ng mga kabataan sa kasalukuyan ay maaari rin namang ibahagi sa ating seniors o mga nakatatandang populasyon. Marami sa ating senior citizens ay matatawag pang ‘able’ at may sapat pang lakas ng katawan at pag-iisip para sumabak sa ganitong sistema at makapagtrabaho sa kabila ng patuloy na pananalasa ng pandemya.
Sa ibayong dagat tulad ng bansang Sweden, sinasanay nila sa digital skills ang kanilang senior citizens. Maaari rin natin itong gawin, lalo pa’t marami pa naman sa ating senior retirees ang masasabing may kakayahan pa ring magtrabaho.
Malaki ang maitutulong ng digital careers sa senior citizens dahil sa karerang ito, hindi naman minamanduhan ang mga empleyado na mag-full-time. Maaaring nasa bahay lamang sila at doon magtrabaho kaya’t pasok din dito ang housewives o ang ating mga ginang ng tahanan.
Sa ating panukala, ang Senate Bill 1469, hinihiling natin ang suporta para mapaunlad ang digital careers dito sa atin. Ito ang nakikita nating paraan upang makapag-adjust tayo sa new normal — ang pagpapaigting sa kaalaman ng bawat isa sa takbo ng teknolohiya.
Inaasahan natin ang ilang ahensiya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications na manguna sa pagpapalaganap ng mga oportunidad na may kaugnayan sa digital skills. Kaagapay dito ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa job-matching task.
Ang ilan sa kilalang digital careers ay tulad ng transcription and data entry; customer service and technical support; online teaching and tutoring; content creation; digital marketing at medical coding and billing at marami pang ibang may kaugnayan sa teknolohiya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com