ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 25, 2020
Dahil sa mabilis na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, nasa tinatawag nang ‘danger zone’ ang mga ospital dahil sa pagdagsa ng COVID-19 patients.
Halos isang lingo na ang nakalilipas nang magdeklara ang ilan sa malalaking ospital natin tulad ng Makati Med, ang dalawang St. Luke’s Hospital (Quezon City at BGC), ang PGH, ang San Lazaro Hospital at iba pa na nasa maximum capacity na sila. Ibig sabihin, punuan na ng mga pasyente.
At itong linggong ito, maging ang mga ospital tulad ng Bataan General Hospital, Antipolo City Medical Hospital at ang NKTI ay nagdeklara na rin ng maximum capacity.
Ito ang pinakamalaking problema ngayon sa bansa — ang kapasidad ng ating healthcare system. Kaya’t kung mamarapatin ng ating gobyerno, mas bigyan muna ng prayoridad ang sistemang pangkalusugan, bago natin simulan ang pagbabangon ng ating nananamlay na ekonomiya.
Kaugnay nito, ilang panukalang-batas ang ating isinusulong ngayon tulad ng Bayanihan to Recover as One Bill o ang SB 1564. Hinihintay na lang nito ang huli at pinal na pagbasa sa Senado para tuluyang pumasa.
Pangunahing layunin ng panukalang ito na mas mapalawak pa ang ating COVID testing at makakuha ng dagdag-serbisyo ng medical technologists at iba pang health professionals na tutulong sa testing centers.
Ang isa pang panukalang-batas na itinutulak natin sa ngayon ay ang SB 1535 o ang Crushing COVID Bill na counter bill sa isinumite naming panukala ni Congw. Janette Garin sa House of Representatives.
Nilalayon naman nitong makapagtatag ng PCR testing protocols para sa mga manggagawang Pinoy na nagtataglay ng iba’t ibang karamdaman tulad ng diabetes at para sa mga indibiduwal na pumapasok sa bansa. Lahat ng magagastos ng ating mga kababayan sa testing ay babalikatin ng PhilHealth.
Mayroon din tayong proposisyon — ang eHealth System and Services Bill (SB 1472) na magsisilbi namang legal framework para sa ating telemedicine. Sa pamamagitan nito, hindi na obligado ang mga pasyente na magtungo nang personal sa kani-kanilang doktor dahil maaari na silang makapagpakonsulta via chat. Sa pamamagitan din nito ay maaaring resetahan ng doktor ang pasyente na kung tawagin ay e-prescriptions.
Walang alinlangan, mahirap na bansa lamang tayo, pero hindi kailangang maging hadlang ito upang maisulong natin ang pagpapalakas sa ating health system. Napakalahaga ng kalusugan dahil pundasyon ito ng isang tao sa kanyang pag-unlad; pundasyon ng isang bansa ang malusog na mamamayan para maging malusog din ang kanyang ekonomiya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co