ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 5, 2020
Kapag tayo ay may gamit na nagiging palyado na ang serbisyo sa atin o kung minsan ay wala na talagang silbi dahil hindi na mapakinabangan at inilalagay na tayo sa alanganin, dapat palitan na. At ang ipapalit, dapat ay ‘yung may kalidad at siguradong hindi tayo mapapahiya at sigurado ring hindi papalya.
Ganyan ang inaasahan natin ngayon sa bagong hepe ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth—si dating NBI Director Dante Gierran na pumalit kay dating PhilHealth president Ricardo Morales.
Nasa balikat ngayon ni G. Gierran ang responsibilidad na ibalik ang tiwala ng publiko sa PhilHealth na matagal nang nababahiran ng iba’t ibang uri ng katiwalian.
Sa pag-upo ng bagong pinuno ng PhilHealth, walang oras ang dapat niyang sayangin para sa modernisasyon ng institusyong ito at ‘linisin ang bawat sulok’ ng insurance corporation.
Umaasa rin tayong tatalima si G. Gierran sa iniatas sa kanya ng Pangulo na balasahin ang mga opisyal ng PhilHealth regional offices, kalusin ang korupsiyon at panagutin ang mga tiwaling opisyal na may kinalaman sa mga anomalya sa loob ng ahensiya.
Maraming dapat baguhin sa PhilHealth si G. Gierran. Kasama riyan ang sistema sa reimbursement ng healthcare costs at ang pagsasaayos sa napakagulong case rate system o ang sistema ng PhilHealth sa pagbabayad ng medical claims.
Tiyak na mababantayan ang anumang katiwalian sa ahensiya at ang mga galaw ng pandarambong sa loob kung may mas pinahusay at epektibong IT system ang ahensiya. Kailangang magkaroon sila ng sistematikong datos o database na pangangasiwaan ng kanilang information technology.
Nasa ika-21 siglo na tayo—modernisado na ang panahon. Hindi na katanggap-tanggap ang mga rason na kaya hindi nabantayan ang rekord ay dahil walang sapat na database—hindi rasonable ‘yan, kundi palusot na lang. Kaya pakiusap natin kay G. Gierran, ipakita niya ang ‘pangil’ ng isang pinuno pagdating sa paglaban sa korupsiyon at iba pang katiwalian.
Tayo ay may isinusulong na panukala—ang Senate Bill 1470 o ang National Digital Transformation Act. Malaki ang maitutulong ng panukala nating ito sa mga posibleng suliranin ng isang kumpanya, partikular sa kanilang mga record.
At dito sa PhilHealth, mas makabubuting maging digitized ang records nila dahil mas magiging madali ang validation ng membership. Ganito na ang umiiral na sistema ngayon sa SSS at GSIS kaya nga’t mas mahusay na ang serbisyo nila ngayon sa publiko.
Saan ka nga naman nakakita ng members na 130 years old at nasa records pa hanggang ngayon? ‘Yan ang mga dapat linisin ng bagong pamunuan ng PhilHealth dahil nagagamit ang mga record sa paggawa ng anomalya.
Kaya’t umaasa tayo na sa ilalim ng liderato ni G. Gierran, unti-unti nang maibabangon ang reputasyon ng PhilHealth na talaga namang niyurakan ng mga tiwaling opisyal sa loob ng ilang taon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co