ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 15, 2024
Dlawang linggo na ang nakararaan nang personal nating masaksihan ang paglagda at tuluyang pagsasabatas ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa Kabalikat sa Pagtuturo Act na naging daan upang maging permanente na ang teaching supplies allowance ng ating mga guro sa public schools.
Dating tinatawag na “chalk allowance”, ang pondo para sa supplies allowance ng mga guro ay magmumula sa budget ng Department of Education. Ito ay tulong pinansyal sa mga teacher para hindi na sila gumamit ng sarili nilang pera para makabili lamang ng mga gamit sa pagtuturo tulad ng papel, ballpen at chalk. Ang nakatutuwa pa rito, permanente na nga ang teaching supplies allowance, itinaas pa ito sa halagang P10,000 na matatanggap ng bawat guro sa public schools taun-taon.
Matatandaan na mula 2010 hanggang 2011, tanging P700 lamang ang inilalaan ng gobyerno para sa chalk allowance sa public school teachers.
Sa sumunod na tatlong taon, tumaas ito sa P1,000 matapos madagdagan lamang ng P300.
Mula 2015 naman hanggang 2016, tumanggap lamang sila ng tig-1,500.
Kung inyong mapapansin, nagdadagdag man ang gobyerno sa chalk allowance, kakarampot at halos hindi naman nakakatulong sa mga binabalikat na gastusin ng teachers. Punung-puno ng trabaho, katiting naman ang suweldo at allowance.
Ilang taon ding pinag-aralan ng Kongreso ang problemang ito. Kaya’t noong 2017, kagyat tayong nagdagdag ng P1,000 sa chalk allowance kaya umakyat ito sa P2,500 ng naturang taon. Muli itong dinagdagan ng P1,000 noong 2018 o kabuuang 3,500 na nanatili hanggang taong 2020.
Noong 2019, sa kauna-unahang pagkakataon ay umupo tayong chairman ng Senate Finance Committee, kung saan tayo ang duminig sa 2020 General Appropriations Act o ang pambansang budget para sa 2020.
At dahil pinangunahan nga natin ang mga pagdinig sa budget ng mga ahensya, naging malinaw kung gaano kahalaga sa ating mga guro ang kanilang chalk allowance.
Dahil dito, pagdating ng 2021, sa suporta na rin ng ating mga kapwa senador, tumaas sa P5,000 ang chalk allowance ng public school teachers hanggang sa mga sinundan nitong taon. Pero sa susunod na taon, 2025, dinoble na ang P5,000 kaya’t matatanggap na ng mga guro ang P10,000 chalk allowance na isinasaad ng bagong batas.
Bilang isa sa mga author ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, batid natin na napakalaking tulong sa ating public school teachers na maitaas ang kanilang teaching supplies allowance. Sa pamamagitan nito, maiiwasan nang dumukot pa sila sa sariling bulsa makabili lang ng mga pangangailangan nila sa pagtuturo.
Sa totoo lang, maliit na bagay lamang ang tulong na ito kumpara sa paghihirap at sakripisyo ng ating teachers. Alam natin ito, dahil ang aking ina ay dati ring guro noong kanyang kabataan, habang ang aking yumaong ama na si dating Senate President Ed Angara ay kilala sa kanyang pangunahing adbokasiya – ang pagreporma at pagpapalakas sa edukasyon ng Pilipinas.
At sa loob ng 20 taon ng inyong lingkod bilang public servant, edukasyon din ang pangunahin nating tinutukan. Nariyan ang pagsulong natin na gawing kompulsaryo ang kindergarten para sa murang edad ay mabigyan ng basic education ang mga bata (RA 10157); ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFast, kung saan pinag-isa nito sa isang batas ang pagpapalakas, pagpapalawak, pagpapahusay at pagkakaroon ng one body all government-funded modalities sa lahat ng programang tulong pinansyal sa mga mag-aaral sa kolehiyo; ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o UAQTEA na nagpatupad ng libreng edukasyon sa kolehiyo, sa state colleges and universities (SUCs) sa buong bansa; ang EDCOM 2 o ang Second Congressional Commission on Education na nagsasagawa ng isang komprehensibong pagsusuri at pag-aaral sa takbo ng ating sektor ng edukasyon.
Kahit sa maliit na paraan man lang tulad ng mas pinataas na teaching supplies allowance ay maipakita o maipadama natin sa mga teacher ang ating taos-pusong pasasalamat sa pagsisikap nilang malinang ang karunungan ng ating kabataan.
Pinasasalamatan natin unang-una, sa pagpasa ng batas na ito ang ating Pangulong Marcos, ang mga kapwa natin senador, partikular si Sen. Bong Revilla, chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na siyang principal author at tumayong sponsor ng naturang bill sa Senado.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com