ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | November 11, 2023
Lumusot na sa Senado ang isa sa mga pinakamahahalaga nating panukalang batas – ang Tatak Pinoy Bill (Proudly Filipino), na ang pangunahing layunin ay mapalakas at maisulong ang mga produktong Pinoy at makilala sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kabuuang 23 kasamahan nating senador ang bumoto sa pagpasa ng ating panukala (Senate Bill 2426 or the Tatak Pinoy Act) na inisponsor din natin bilang chairman ng Senate Committee on Finance.
Ang totoo nito, taong 2019 pa natin sinimulang isulong ang Tatak Pinoy dahil alam nating makatutulong sa ekonomiya ng Pilipinas kung mapalalakas ang mga produktong Pinoy at tangkilikin hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat.
Sa pamamagitan din nito, lalakas din ang mga lokal na negosyo at industriya, at ang kakayahan nating makapag-produce ng mga unique at sophisticated goods and services.
Sakaling tuluyang maging batas, ito rin ang magpapalakas sa ugnayan ng gobyerno at pribadong sektor lalo na sa pagpapatupad ng mga proyekto, maging ito man ay imprastraktura o mga inisyatibong huhulma sa talento at kakayahan ng Philippine workforce. Isa pa, mas magiging paborable ito sa private sector.
Uulitin lang natin ang pasasalamat sa Pangulo, gayundin sa ating Senate President at kay House Speaker Martin Romualdez dahil ibinilang nila ang ating panukala sa Legislative Executive Development Advisory Council priority bills. Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na sa lalong madaling panahon ay tuluyan nang maging batas ang Tatak Pinoy bill.
Isa sa mahahalagang kakayahan ng ating proposed bill ay naaayon ito sa nilalayon ng Philippine Export Development Plan 2023-2028 na gawing globally competitive at mas marami pa ang mga bansang tatangkilik sa mga produktong Pinoy.
Saan nga ba natin nakuha ang ideya sa paglikha ng Tatak Pinoy bill?
Ito ay inspired ng Atlas of Economic Complexity developed by Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at ni G. Cesar Hidalgo ng University of Toulouse. Sa kanilang pag-aanalisa, nalaman nila kung bakit mas malakas ang ekonomiya ng ibang bansa kumpara sa iba.
Sa pagtatasa ng Atlas, pang-33 ang Pilipinas sa 128 bansa na nagiging mabilis ang economic growth dahil sa malaking kakayahan ng mga bansang ito na mas malinang pa, kung mapalalawak lamang ang market reach nito hanggang sa pandaigdigang merkado.
Kung magkakagayon, malaking tulong ang ganitong development sa mga bansang mabilis ang economic growth at tiyak na magiging daan upang magkaroon ng malaking oportunidad ang kani-kanilang mamamayan.
Ilang taon ding naligwak ang Pilipinas, alam naman natin ‘yan. Dala ‘yan ng mahigit dalawang taong pandemya na talagang nagpabagsak sa mga negosyo at industriyang Pilipino.
Ang Tatak Pinoy Bill ay tiyak na makatutulong sa pagsisikap nating makabawi. Bagaman medyo umangat na tayo kahit paano mula sa pandemya, mas lalo pa tayong lalakas kung may malinaw tayong hakbang para mas lalo pang pabilisin ang paglusog ng Philippine economy. Kaya pakiusap natin sa Kamara, sana’y aksyunan na rin nila sa lalong madaling panahon ang panukalang ito na sigurado namang makatutulong sa ating lahat lalo na sa ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com