ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 23, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Carol na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanaginip ako ng bigas, kaya gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng bigas sa panaginip?
Naghihintay,
Carol
Sa iyo, Carol,
Simple lang ang ibig sabihin ng bigas sa panaginip mo, kaya narito ang ilang kahulugan ng bigas kapag napanaginipan.
Kung nagbabalak kang magnegosyo, bigas ang itinda mo.
Kung sa mga araw na napanaginipan mo ang bigas ay problemado ka sa buhay dahil maliit lang ang iyong kinikita, ang sabi ng panaginip mo ay unahin mo ang pagkain mo kaysa sa iba pang mga bagay na gusto mong magkaroon ka.
Kung nalilito ka sa pipiliin mo kung sino ang iyong makakarelasyon, ang sabi ng panaginip mo ay hindi paguwapuhan kundi ang may mapapakain ba sa iyo. Kaya unahin mo ang laman ng iyong tiyan kaysa sa iba pang bagay.
Kung sa mga araw napanaginipan mo ang bigas ay minamalas ka, ang sabi ng panaginip mo, huwag ka nang bumili ng kung anu-anong lucky charms dahil bigas lang ang iyong kailangan bilang lucky charm.
Magsaboy ka ng bigas bago pumasok sa pintuan ng bahay o entrance ng gate. Magsaboy ka rin ng bigas sa loob ng bahay.
Kumuha ka ng munting palayok o tasa na porcelana at lagyan mo ng bigas.
Bumili ka ng bigas na sobra sa kailangan mo, kumbaga, dapat ay hindi sagad na mauubos ang bigas sa lagayan nito.
Ang powder o pinulbos na bigas ay isa ring mabisang panlaban sa masasamang espiritu. Ilagay mo ito sa maliit na telang supot. Dalhin mo ito kahit saan ka pumunta nang sa gayun ay hindi ka lapitan ng mga negatibong puwersa.
Marami pang kahulugan ang bigas sa panaginip. Kapos sa detalye ang mensahe mo, kaya inaasahan na sa iyong muling pagliham ay maikuwento mo ang iba pang bagay sa iyong panaginip na may kaugnayan sa bigas.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo