top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 27, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Hindi na ako magpapaliguy-ligoy, ang idudulog kong problema ay tungkol sa nobya ko. 

Mataas ang katungkulan niya sa iskul namin, at malaki rin agwat ng edad namin, ngunit kahit na ganu’n mahal ko pa rin siya. 


Actually, 5 years ang age gap namin, mas bata ako kaysa sa kanya, kaya naman may mga tumututol sa relasyon namin. 


May katungkulan din ako, pero hindi kasingtaas sa girlfriend ko. 


Ayaw din ng pamilya ko sa kanya, kahit na maganda naman ang family background nila. 


Naririndi na ako sa mga taong tumututol sa amin. Kaya naman, napilitan akong makipag-break sa kanya para matahimik na ang mga kaibigan at pamilya ko. 


Gusto ko na magkaroon ng kapayapaan ang aking isipan. Ngunit mas lalo lang akong nabalisa. Ayoko siyang tuluyang mawala sa akin, dahil mahal na mahal ko siya, maski siya ay ganu’n din, at labis niyang dinamdam ang ginawa ko. Mas inintindi ko ang mga taong tumututol sa relasyon namin kaysa sa tunay na nararamdaman ng puso ko. 


Gusto ko na bumalik sa kanya, at ‘di na lang pansinin ang mga naririnig kong paninira laban sa kanya. Pero nag-aalala rin ako na baka ‘di na niya ako muling tanggapin. 


Ano sa palagay n’yo ang dapat kong gawin? Dapat ko na ba siyang balikan? Gusto ko rin humingi ng tawad sa kanya, at ipapangako ko sa kanya na ‘di ko na papansinin lahat ng tumututol sa aming relasyon. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,Berting ng Olongapo.


 

Sa iyo, Berting,


Kung talagang mahal mo siya at mahal ka rin niya, huwag mong pansinin ang mga tumututol sa inyo. Ipaglaban mo ang pag-iibigan n’yo. Age doesn't matter, kahit matanda siya sa iyo ng limang taon, balewala ‘yun. 


Ang tibok ng puso n’yo ang mahalaga. Kung siya talaga ang tinitibok ng puso mo, ituloy n’yo ang inyong relasyon. Tutal maganda naman ang family background niya. Kung edad naman ang pag-uusapan, age is just a number. 


Kung gusto mo talagang lumigaya sa pag-ibig, huwag mong pansinin ang mga puna at pintas ng iba tungkol sa girlfriend mo. Ituloy n’yo lang ang relasyon n’yo, at pakasalan mo siya sa takdang panahon upang tuluy-tuloy na ang pagmamahalan n’yo. 


Patunayan n’yo sa lahat na mali sila sa kanilang pagtutol. Sundin mo ang tibok ng puso mo. Natitiyak kong welcome ka pa rin naman sa puso ng girlfriend mo, at willing pa siyang magkabalikan kayo. Huwag ka na mag-aksaya pa ng panahon, makipagbalikan ka na agad sa kanya. 


Patnubayan nawa kayo ng Diyos sa inyong relasyon, hindi lamang ngayon kundi hanggang sa wakas ng panahon. Maging maligaya nawa kayo sa piling ng inyong magiging anak.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


File Photo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 24, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Palagi akong nag-aalala at para bang ayoko na sa mundo. 


Palaging nagtatalo ang magulang ko, kahit sa maliit na bagay. Wala nang katahimikan sa bahay namin, at wala rin akong maramdamang pagmamahal mula sa kanila. 


Ang isa ko pang problema, wala akong kaibigan dahil hindi naman ako marunong makihalubilo sa mga tao. Kaya madalas naiisip ko na mas mabuti pa siguro sa kabilang buhay, ‘di pa ako magugutom at mauuhaw doon. 


Alam mo, Sister Isabel, dumating na rin ako sa puntong gusto ko nang mag-suicide, pero ‘di ito natuloy dahil nakita ng kapatid ang bagay na sana ay gagamitin ko. 


Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ano ang maipapayo n’yo sa akin upang masolusyunan ko ang ganitong klaseng pag-uugali? Hihintayin ko ang inyong payo.


Nagpapasalamat,Joanne ng Pangasinan


 

Sa iyo, Joanne,


Maganda ang buhay sa mundo, lalo na kung maganda rin magiging pananaw mo. Huwag kang masyadong maging pessimistic. Ibig sabihin, matuto kang mag-appreciate ng maliliit na bagay. Life is what we make it, ikaw din mismo ang gagawa ng paraan upang maging masaya ka. 


Huwag na huwag mong wawakasan ang buhay mo. Kasalanan iyan, mas mabuti kung sa langit ka mapupunta, walang gutom at uhaw kang mararamdaman. 


Pero, paano kung sa impiyerno o sa purgatoryo ka mapunta? Huwag mo na ulitin pa ang mag-suicide, dahil nawawala lang ang pisikal mong katawan, ngunit ang iyong kaluluwa ay buhay na buhay pa at nanonood sa mundong iiwan mo, na kung saan ang mga tao ay nag-e-enjoy sa kanilang buhay, nagdiriwang kapag may okasyon, at kumakanta sa videoke.


Masaya sila kahit simpleng buhay lang. Makakaranas ka rin ng ganitong kaligayahan kung magiging bukas ang iyong isipan sa katotohanan na ang bawat isa sa atin ay may sari-sariling problema, pero lahat naman ng problema ay may solusyon. Lahat ng mga gumugulo sa ating isipan ay dadaan at lilipas din. Paikut-ikot lang iyan, mas makakabuting lumapit ka sa Diyos.


Kapag ginawa mo ‘yun, gagaan na ang iyong kalooban at maaari mo ring hilingin sa Diyos na pagtibayin ang puso’t kalooban n’yo para maging maayos na rin ang relasyon ng magulang mo, lalo na sa iyo na madaling panghinaan ng loob. 


Sumali ka rin sa mga gawaing simbahan. Mapapansin mo, mawawala na ang iyong kalungkutan. Iyan ang simpleng paraan upang baguhin ang iyong pananaw sa buhay. 


Huwag maging nega. Palagi mong isipin ang magandang aspeto ng buhay. Tandaan mo, kung ano ang iniisip mo, ganu’n din magiging resulta. ‘Ika nga sabihan, “Response to stimulus,” kung ano ang ating iniisip, iyon ang ating mararanasan. Mag-isip ka ng positibo, at negatibo.


Sumasaiyo, 

Sister Isabel del Mundo





File Photo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 21, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Hindi ko sukat akalain na magkakaproblema rin pala ako, at sa tingin ko ay kayo lamang ang makakapagbigay ng payo sa akin upang gumaan kahit papaano ang kalooban ko. 


Nabibilang ako sa mahirap na angkan. Ulila na ako sa ama kaya hirap na hirap ang ina kong itaguyod kaming apat na magkakapatid. 


Panganay ako sa amin, at gusto ko sanang mangibang-bansa para lumuwag-luwag naman ang buhay namin, ngunit ayaw naman ng nanay ko. Maghanap na lang umano ako ng magandang trabaho rito sa Pilipinas. Highschool lang ang natapos ko, kaya wala akong makitang magandang trabaho na may malaking suweldo rito.


Kaya naman nag-apply akong Domestic Helper sa Saudi. Mabilis ang mga pangyayari, at natanggap agad ako. Ang problema ay ayaw pumayag ng aking ina, kahit ready na ang visa at anumang oras ay puwede na akong i-book ng ticket ng magiging employer ko. 


Ano ang gagawin ko? Sister Isabel, dapat ko bang ituloy ang pagtatrabaho sa abroad kahit na tutol ang nanay ko? 


Nagpapasalamat,

Linda ng Taguig


 

Sa iyo, Linda,


Hindi mo maiaalis sa nanay mo na pigilan kang mag-abroad lalo na kung sa Saudi ka magtatrabaho, pero kung legal naman ang pag-alis mo, kumpleto ang dokumento mo, at nakakasiguro kang mabait ang magiging employer mo ay tumuloy ka. 


Kausapin mo nang malumanay ang nanay mo at ipaliwanag nang mabuti na mabait ang magiging employer mo. Sapat na iyon para makaahon kayo sa kahirapan. Sabihin mo rin na legal lahat ang dokumento mo, kaya walang problema kung matutuloy ka sa abroad. 


Sa palagay ko, makukuha mo rin sa magandang salita ang nanay mo. Mauunawaan niya na para naman sa kabutihan n’yo ang gagawin mo, at para ‘di na rin siya mahirapang kumayod nang husto para sa inyong magkakapatid. 


Ikaw na ang umako, at magsumikap upang umasenso kayo sa buhay. Natitiyak kong papayag na ang nanay mo kung maipapaliwanag mo nang maayos ang side mo. 


Hangad ko na nawa mahango mo na sa hirap ang pamilya n’yo. Pagpalain ka nawa ng Diyos sa tatahakin mong landas tungo sa pag-unlad. Iligtas ka nawa sa lahat ng panganib at kapahamakan, at sana matupad mo nawa ang lahat ng iyong pangarap.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo





File Photo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page