ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 19, 2020
Dear Doc. Shane,
Nagiging mapula ang aking ihi kaya panigurado akong may dugo ito. Sa aking huling checkup last year, sinabi ng doktor na lumalaki ang aking prostate gland. May kaugnayan ba ‘yun? – Ysmael
Sagot
Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay tinatawag na hematuria. Dahil sa paghalo ng kakaunti o katamtamang dami ng dugo sa ihi, ito ay nagkukulay pula, pink o kakulay ng tsaa.
Nagkakaroon ang tao ng ganitong uri ng kondisyon dahil sa iba’t ibang uri ng sakit sa urinary tract, tulad ng sakit sa kidney, sa pantog, sa urethra at iba pa.
Sanhi:
Namamanang kondisyon. Mayroong mga uri ng namamanang kondisyon na nagdudulot ng pagdurugo sa urinary tract. Isa sa mga ito ay ang sickle cell anemia, isang uri ng namamanang kondisyon ng mga hemoglobin sa red blood cell. Ang kondisyong ito ay nagdadala ng dugo sa ihi.
Ganito rin ang epekto ng Alport syndrome, isang uri naman ng kondisyon na umaapekto sa mga bahaging pangsala ng mga kidney.
Urinary tract infections (UTI). Ito ay ang pagkakaroon ng impeksiyon sa daanan ng ihi. Kapag lumubha ang mga impeksiyong ito, maaaring magkaroon ng pag-agos ng red blood cell sa urinary tract at humalo sa ihi.
Pagkakaroon ng bato sa pantog o kidney. Ang pagkakaroon ng sobrang dami ng mga mineral sa mga pantog o sa kidney ay maaaring magdulot ng pamumuo ng mga bato sa mga bahaging ito ng katawan.
Impeksyon sa mga kidney. Ang mga impeksiyong dulot ng mga bakterya sa kidney ay maaari ring magbunga ng pagdurugo sa mga bahaging ito ng katawan. Dahil dito, ang mga red blood cell sa mga apektadong bahagi ay maaaring lumabas sa mga daluyan ng ihi.
Kanser. Ang pantog, prostate, bayag, maging ang mga kidney ay maaaring magkaroon ng kanser. Ito ay nagdudulot ng pagdurugo sa mga nabanggit na mga bahagi. At ang dugo mula sa mga bahaging ito ay maaaring dumaloy papunta sa daanan ng ihi at humalo rito.
Side-effect ng gamot. May iba’t ibang uri ng mga gamot na nagdudulot ng pagdurugo na humahalo sa ihi. Ang ilan sa mga ito ay ang mga anticoagulant o mga gamot na pumipigil sa paglapot ng dugo, mga gamot na panlaban sa kanser, aspirin, at maging ang ilang uri ng antibiotic.
Paglaki ng prostate. Ang prostate ay isang uri ng gland na matatagpuan sa ilalim ng pantog ng kalalakihan. Karaniwan itong lumalaki sa kanilang pagtanda. Dahil sa paglaki, napipisil nito ang urethra at bahagyang nahaharangan ang pagdaloy ng ihi. Ang bahaging ito ng katawan ay maaari ring magkaroon ng impeksiyon.
Tandaan: Dahil magkakaiba ang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi o hematuria, mainam na magpakonsulta sa iyong doktor upang personal itong masuri at mabigyan ng tiyak o angkop na lunas.