ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 31, 2020
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng mga rashes sa leeg hanggang sa singit ang aking 5 years old na anak. Palagi siyang umiiyak dahil makati raw ito pero pinipigilan ko siyang kamutin dahil baka lalong magsugat at lumala. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa sabon, pero pinalitan ko na ito. Ang sabi ng pinsan ko, eczema raw ‘yun. Ano ba ‘yung ezcema at saan nakukuha? – Selma
Sagot
Ang pangunahing sintomas ng eczema ay ang panunuyo at makating balat. Mabilis itong magsugat at mapula ang paligid ng bukul-bukol na rashes.
Ang eczema ay may tatlong uri: atopic, infantile at dermatitis.
Ang Atopic ay sanhi ng allergies sa pagkain o ibang bagay sa kapaligiran. Ito rin ay namamana. Matindi ang panunuyo ng balat, sobrang kati at mapula, at kapag kinamot ay tuluyan nang bubuka at magsusugat. Sa mga sanggol, karaniwan itong nagsisimula sa nappy area at dahan-dahang kumakalat sa buong katawan. Sa mga toddler o 2 hanggang 3 years old, nakikita ito sa likod ng tuhod (lalo’t ‘pag nagpapawis), sa mga siko, galang-galangan o pulso at sakong.
Ang Infantile Seborrhoeic Eczema (o kilala sa tawag na cradle cap) naman ay makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat, na hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay ng ulot at buhok ng sanggol, pagkatapos ay paghuhugas nito ng may shampoo o sabon.
Ang Allergic Contact Dermatitis ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panlligo o panlaba at pagkain.
Tandaan:
Magbasa palagi ng labels at ingredients bago kainin o gamitin ang isang produkto.
Iwasan ang paggamit ng sabon o cream, lalo na kung may namamaga o nagsusugat nang rashes.
Dahil sa sobrang pagkatuyo ng balat, nangangati ito. Kaya’t moisturizer at hydration ang solusyon.
Uminom palagi ng tubig at kumain ng pagkaing sagana sa fatty acids. Ang moisturizer at tumutulong mapahupa ang pangangati at pamamaga.
Payo ng mga doktor ang pagpapaligo sa batang may eczema, araw-araw sa maligamgam na tubig.
Hindi ito nakakahawa, ngunit tulad ng nabanggit natin, ito ay genetic. Makikitang hindi lang isa sa mga kapatid o kaanak ang mayroon nito.
Walang gamot na lubusang makakapagpagaling sa eczema, ngunit may mga paraan para maibsan ang pangangati at pagsusugat. Mahalagang kumunsulta agad sa doktor upang mabigyan ng mga topical cream at ointment para maibsan ang pangangati at pamamaga at magamot ang pagsusugat.
Minsan ay nangangailangan ng antibiotic, kung naimpeksiyon ito. May mga anti-histamines na maaaring irekomenda ang doktor para sa pangangati.